SMC iginiit na hindi reclamation ang Bulacan Airport

Ramon S. Ang, President/ CEO San Miguel Corporation

Iginiit ng Filipino businessman na si Ramon S. Ang, President at Chief Executive Officer ng San Miguel Corporation (SMC) na isang reclamation project ang New Manila International Airport o Bulacan International Airport na itinatayo sa coastal area ng Bulacan kundi ito aniya ay redevelopment project.

Sa panayam ng Bulacan media-based sa top head ng SMC, sinabi ni Ang na ang lupang pinagtatayuan ng airport ay existing na at ito ay deklaradong noon bilang mga titled land kung saan pagkalipas ng maraming taon ay unti-unting lumubog sa tubig at pagkaraan ay tuluyan nang ginawang mga fishponds.

Bukod sa mga paliwanag ni Ang ay nagpakita rin sila ng mga litrato at video presentation kung saan ayon kay Jimmy Lu, VP and Overall Project Manager of SMC’s Better River PH ay maaaring makita sa Google Earth ang Bulacan Airport site noong 2008 na isa itong land mass at residential na patunay na hindi siya reclamation.

Patunay din umano ito ayon kay Ang na taliwas sa sinasabi ng mga kritisismo sa social media na gumagamit ng pekeng mga pagkakakilanlan na reclamation project ang airport. Giit ni Ang, paninira lamang ito ng kaniyang mga kalaban sa negosyo.

P1-Million Reward

Dahil dito, inanunsiyo ni Ang na magbibigay siya ng halagang P1-million reward sa sino mang makakapag-identify sa mga taong nagtatago sa pekeng identification sa social media at nagpapahayag ng maling impormasyon sa publiko kaugnay ng konstruksyon ng airport upang masampahan nila ng kaukulang kaso.

“Kung sino sa inyo ang maka-identify kung sino yang ‘Juan Dela Cruz’ na naninira.. bibigyan ko ng isang milyong reward at idedemanda, kasi cyber crime yan,” wika ni Ang.

Hinamon din ni Ang mga mga kritikong ito na lumantad at magpakilala nang sa gayon ay harapan silang magpaliwanagan hinggil sa puna sa airport.

Nabatid na patuloy ang ginagawang kilos protesta ng ilang grupo laban sa pagtatayo ng Bulacan Airport na anila ay isang reclamation project na nagdudulot ng pagbaha sa kalapit-lugar nito na tahasang pinabulaanan ng SMC.

Napagalaman na noong taong 1972 ay ipinanukala ni noon ay Bulacan First District Representative Teodulo Natividad, ama ng ngayon ay Malolos City Mayor Christian Natividad ang House Bill No. 4746, isang certified bill ng Malacañang na naglalayon na i-relocate ang Manila International Airport (MIA) at bumuo ng napakalaking airport complex sa Bulacan.

Ang original vision na ito ni Cong. Natividad para sa isang paliparan sa Bulacan ay nagsilbing pasimula sa nasabing lugar.

Gayunpaman, ang plano ay hindi nagpatuloy noon dahil sa pagpapalit ng mga government leaders, priorities, at external funding commitments.

Pagkaraan ng apat na dekada, ang konsepto ay naging realidad dahil sa pagtatayo ng New Manila International Airport o kilala rin bilang Bulacan International Airport.

Ang Bulacan Airport ay itinatayo sa 2,500 ektarya land development na nagkakahalaga ng halos P740-billion na kayang tumanggap ng 35-milyong pasahero taon-taon na siya ring magiging pinakamalaking paliparan sa bansa na may kapasidad na 100-million pasahero kada taon.