
LUNGSOD NG MALOLOS – Nasa Sussex County, Delaware, USA na ang Bulacan Dreamers Women’s Softball Team at handa nang katawanin ang Pilipinas at ang buong Asia-Pacific Region sa 2026 Senior League Softball World Series na gaganapin mula Agosto 3 hanggang 9.
Buong-pusong sinuportahan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga batang atleta, habang pinalalakas ang kanilang loob na dalhin ang pag-asa at dangal ng sambayanang Pilipino sa pandaigdigang entablado.
“Nakagagalak pong isipin na kasabay ng pamamayagpag ng ating mga ipinagmamalaking atleta tulad nina Alex Eala, EJ Obiena, Carlos Yulo, Manny Pacquiao, at marami pang iba, ay sumasabay dito ang mga batang atleta na nagmula sa dakilang Lalawigan ng Bulacan. Pabaon ko po sa kanila ang aking buong paniniwala na iwawagayway nila ang bandila ng Pilipinas sa buong mundo,” anang gobernador.
Hinimok din niya ang lahat ng Pilipino na magkaisa sa panalangin para sa kaligtasan at tagumpay ng koponan, habang ipinaglalaban nila ang kanilang pangarap na maging kampeon sa buong mundo.
Sa ngalan ng gobernador, nagsilbi si Panlalawigang Tagapangasiwa Antonia V. Constantino bilang puno ng delegasyon.
Lalaban ang Bulacan Dreamers sa East Region sa Agosto 4, 8:00 ng gabi (ET) o Agosto 5, 8:00 ng umaga (PST); laban sa Latin America Region sa Agosto 5, 5:00 ng hapon (ET) o Agosto 6, 5:00 ng umaga (PST); laban sa Southwest Region sa Agosto 5, 8:00 ng gabi (ET) o Agosto 6, 8:00 ng umaga (PST); at Delaware D3 Region sa Agosto 6, 2:00 ng hapon (ET) o Agosto 7, 2:00 ng umaga (PST).
Para masiguro ang puwesto sa susunod na yugto ng torneo, kailangang makapasok ang koponan sa top four seeds sa kanilang bracket.
Nagwagi ang Bulacan Dreamers Softball Team sa 2026 Little League Asia-Pacific and Middle East Tournament na ginanap sa Bogor West Java, Indonesia noong Hunyo 16 hanggang 24, kaya naman pormal na silang nakapasok sa pandaigdigang kumpetisyon.





