Port of Subic Bay, itinalagang maritime gateway para sa Pax Silica

Pinagtibay ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) ang isang kasunduan upang italaga ang Port of Subic Bay bilang preferred maritime gateway ng inisyatibang Pax Silica. Pinangunahan ang paglagda nina BCDA President and Chief Executive Officer Joshua Bingcang (pangalawa sa kanan) at SBMA Chairperson Eduardo Jose Aliño (pangalawa sa kaliwa). Dumalo rin sina SBMA Senior Deputy Administrator for Operation Ronnie Yambao (kaliwa) at BCDA Senior Vice President for Legal Services Diana Joyce Basco-Galera (kanan). (BCDA)

NEW CLARK CITY, Tarlac (PIA) — Itinalaga ang Port of Subic Bay bilang preferred maritime gateway ng inisyatibang Pax Silica sa ilalim ng kasunduang nilagdaan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).


Nakaayon ang hakbang na ito sa inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address hinggil sa Pax Silica Industrial Hub, na magsisilbing advanced manufacturing at logistics center sa pandaigdigang value chain ng artificial intelligence (AI) at teknolohiya.


Layunin din ng kasunduan na palakasin ang posisyon ng Pilipinas sa pandaigdigang pagsisikap na matiyak ang katatagan ng mga supply chain para sa semiconductors, AI, at critical minerals.


Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ang Pax Silica ng nakatalagang port framework para sa pag-aangkat, pagluluwas, paghawak, pag-iimbak, at transportasyon ng silica at iba pang mga materyales para sa AI-native industrial enclave sa New Clark City, Tarlac.


Magsasagawa rin ang BCDA at SBMA ng magkatuwang na pag-aaral, pagbabahagi ng datos, at mga pagsusuri upang higit pang mapalakas ang kakayahan ng Port of Subic Bay sa logistics at mapalawak ang mga oportunidad sa pag-unlad sa kahabaan ng Luzon Economic Corridor.


Ayon kay BCDA President at Chief Executive Officer Joshua Bingcang, may estratehikong bentahe ang Port of Subic Bay para sa inisyatibang Pax Silica dahil nagsisilbi itong mahalagang daanan para sa episyenteng pagpasok ng mga hilaw na materyales sa bansa at sa napapanahong paghahatid ng mga natapos na produkto sa mga mamimili.


Aniya, sumasalamin din ang kasunduan sa whole-of-government approach ng administrasyong Marcos sa pagsusulong ng mas maayos at magkakaugnay na pagpapaunlad ng ekonomiya.


Samantala, sinabi ni SBMA Chairperson Eduardo Jose Aliño na pormal na kinikilala ng naturang pagtatalaga ang papel ng Subic sa isa sa pinakamahalagang supply chain sa rehiyon.

Aniya, isa rin itong mahalagang yugto para sa SBMA dahil itinatatag nito ang Port of Subic Bay bilang pangunahing gateway para sa mga operasyon ng Pax Silica sa loob ng Luzon Economic Corridor.


Dagdag pa ni Aliño, may kakayahan ang Port of Subic Bay na pangasiwaan ang mabibigat na operasyon sa logistics at mga espesyal na kargamento na kailangan upang suportahan ang AI-native economic security zones at advanced technology manufacturing sa rehiyon.


Ipinaliwanag din niya na sa pamamagitan ng pag-uugnay sa mga pangunahing sentrong industriyal tulad ng Clark, Maynila, at Batangas, ipinoposisyon ng SBMA ang malalim nitong daungan at mga pasilidad bilang mahalagang daanan para sa high-tech trade at sa katatagan ng pandaigdigang mga supply chain.


Inilunsad noong Disyembre 2025 ang Pax Silica, isang multilateral economic security framework na naglalayong matiyak ang seguridad ng pandaigdigang mga supply chain, maisama ang secure data ecosystems, at mapalawak ang allied production capacity para sa semiconductors, AI technologies, at critical minerals.


Pormal na sumali ang Pilipinas sa inisyatiba noong Abril 2026 at itinalaga ang pangunahing AI-native industrial acceleration and manufacturing enclave sa New Clark City bilang pundasyon ng operational logistics, technology manufacturing, at cross-border supply chains nito.


Bahagi ang mga operasyon ng Pax Silica sa mas malawak na Luzon Economic Corridor, isang trilateral na balangkas para sa imprastraktura at pag-unlad na nag-uugnay sa mga economic zone ng Subic, Clark, Maynila, at Batangas upang mapalakas ang internasyonal na kalakalan at katatagan ng mga supply chain.