30-day suspension ipinataw sa Bulacan board member

Pinatawan ng 30-araw na suspension ng Committee on Ethics and Privileges ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Bulacan ang isang bokal kaugnay ng ethics complaint na isinampa laban sa kanya ng kapwa niya bokal.

Sa 8-pahinang desisyon sa ilalim ng Resolution No. 629-S’2026, pinagtibay ng Sangguniang Panlalawigan ang pagpataw ng suspensyon kay Board Member Efren Bartolome Jr. ng Lone District ng Lungsod ng San Jose Del Monte sa ginanap na regular session noong July 16.

Bokal Efren Bartolome Jr

Magugunita na pormal na naghain ng reklamo o ethics complaint na ‘sexual harassment’ si Board Member Romina Fermin ng Unang Distrito laban kay Bokal Bartolome sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan noong Mayo 21, 2026.

Kabilang sa mga reklamong pinagtibay ay ang ‘disorderly behavior at conduct unbecoming of a member of the Sangguniang Panlalawigan’.

Ito ay dahil sa umano’y pambabastos sa complaint sa pamamagitan ng paghipo sa kaniyang puwet sa isang official gathering.

Sa kaniyang reklamo, sinabi nito na noong nakaraang Christmas Party ng Sangguniang Panlalawigan na ginanap sa Leticia’s Garden sa Calumpit, Bulacan habang nasa isang official gathering ay hinawakan umano ni Bartolome ang kaniyang beywang malapit aniya sa puwet at pinisil at piniga habang nakatalikod si Fermin nang walang pahintulot at labag sa kaniyang kalooba na tahasang itinanggi ng repondent sa kaniyang counter affidavit na inihain noong June 9.

Ayon pa kay Fermin, mayroon din pagkakataon na sa tuwing sila ay magkikita ay binabati siya ni Bartolome na dapat ay beso-beso ngunit pahalik ang ginagawa sa kaniya na pakiramdam niya aniya ay paraan ng pambabastos.

Bukod sa 30 araw na suspensyon  effective immediately nang walang regular compensation, inatasan din sa ibinabang rekomendasyon si Bartolome na sumunod sa pinakamataas na pamantayan ng gender decorum, professionalism, at personal restraint toward all colleagues, officers, and employees of the provincial government. 

Ayon Vice Gov. Alex Castro, Presiding Officer ng SP, ang pinagtibay na resolusyon ng suspensyon kay Bartolome ay ise-serve sa linggong ito.

Sinabi ni Castro na ang isinagawang pagdinig ng Ethics Committee ay dumaan sa masusing imbestigasyon at pag-aaral sa mga konsiderasyon at rekomendasyon ng bawat Kasangguni kaugnay ng ibinabang resolusyon.