LUNGSOD NG MALOLOS – Tumanggap si Gobernador Daniel R. Fernando ng tsekeng nagkakahalaga ng P10-M para sa tulong pang-edukasyon sa ngalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na opisyal na ibinigay ni Philippine Amusement and Gaming Corporation Chairman and CEO Alejandro H. Tengco sa ginanap na Lingguhang Pagtataas ng Watawat kahapon (Lunes) sa Bulacan Capitol Gymnasium.

Ang ceremonial turnover ng tseke ay bahagi ng paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa mga programang pang-edukasyon ng Pamahalaang Panlalawigan sa ilalim ng “Tulong Pang-Edukasyon Para sa Bulakenyo” at “Ayudang Hatid ay Tagumpay Program.”
Alinsunod dito, ang P5 milyon ay ilalaan para sa 1,000 Bulakenyong first-year college students na kumukuha ng apat na taong kursong pangkolehiyo sa pribado o pampublikong unibersidad, habang ang natitirang P5 milyon ay mapapakinabangan ng 1,000 mag-aaral na kumukuha ng mga technical at vocational program o dalawang taong kurso.
Inanunsyo rin ni Tengco sa programa ang pakikipagtulungan ng PAGCOR sa Pamahalaang Panlalawigan para sa pagtatayo ng 10 bagong school buildings sa iba’t ibang panig ng lalawigan. Ang bawat tatlong-palapag na gusali ay magkakaroon ng 13 silid-aralan na kumpleto sa school facilities na popondohan ng PAGCOR.
Inihayag din niya ang planong pagtatatag ng Bulacan Sports Academy sa Bulacan Sports Complex sa pamamagitan ng pagtutulungan ng PAGCOR at ng pamahalaan na naglalayong higit pang isulong ang pagpapaunlad ng sports at pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa kabataang Bulakenyo.
Kaugnay nito, nagpaabot si Fernando ng kanyang taos-pusong pasasalamat sa PAGCOR at ipinahayag ang kanyang pag-asa sa mas matibay pang ugnayan at mas marami pang kolaborasyon at proyektong magbibigay ng benepisyo sa mga Bulakenyo sa hinaharap.
“Lubos po tayong nagpapasalamat sa PAGCOR sa kanilang suporta at malasakit sa edukasyon ng ating kabataan. Inaasahan din natin ang mas marami pang magiging proyekto at matatag na pakikipagtulungan sa PAGCOR para sa kapakanan at kinabukasan ng mga Bulakenyo,” ani Fernando.





