
Lumagda ng isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Agriculture (DA) at Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa agarang konstruksyon ng animal quarantine facility sa lalawigan noong Biyernes, July 3.
Ang MOA signing ceremony ay isinagawa sa pagitan nina Governor Daniel R. Fernando, Gil David, Regional Livestock Program Coordinator ng DA-R3, Memito Luyun, Agricultural Program Coordinating Office at Dr. Voltaire Basinang, Provincial Veterinarian.
Bago ang MOA signing ay pinagkalooban ng sertipiko ng pagtatapos ang nasa 75 livestock farmers na nagsipagtapos sa ilalim ng Farmers’ Field School – Goat Entrepreneurship Management (FFS-GEM) na sinundan ng Ceremonial Animal Distribution.
Ang animal quarantine facility ay popondohan ng DA ng halagang P10M sa pakikipagtulungan ng provincial government para maisakatuparan ang naturang proyekto.
Ayon kay Gov. Fernando ito ay itatayo sa Damascus Compound, Barangay Pulong Sampalok, Doña Remedios Trinidad, Bulacan na kayang tumanggap ng hanggang 200 imported animals na bahagi ng implementasyon ng Integrated National Swine Production Initiative Recovery Expansion (INSPIRE) Flagship Program ng DA na naglalayon para palakasin at buhayin ang swine industry.
“Malaking bagay ang pasilidad na ito hindi lamang sa mga livestock farmers natin, makakatulong din ito sa mga alagang hayop na mapanatiling malusog at iwas sakit bukod sa makakatulong din ito sa produksyon. Magalaga sa mga alaga nating hayop ang malusog,” wika ni Fernando.
Ayon kay Basinang, mga imported na aalagaang hayop ang ipapasok sa nasabing quarantine facility upang siguraduhinh ligtas at walang sakit ang mga ito.
Nabatid na tanging ang lalawigan ng Bulacan, Pampanga, at Aurora lamang sa Gitnang Luzon ang mayroong animal quarantine facility.
Samantala, isinagawa rin ang animal distribution para sa mga Bulakenyo farmers kung saan 120 mga kambing ang ipinamahagi sa mga ito.
Ayon kay Fernando, mahigit sa 700 nang mga kambing at baka ang naipamigay na ng provincial government sa mga magsasaka mula nang simulan ang programa noong 2010.
Ayon sa DA-Region 3, ang mga lalawigan ng Bulacan at Tarlac lamang ang nagsasagawa ng animal distribution program sa buong Rehiyon.





