600 iskolar, tumanggap ng tulong pinansiyal sa ilalim ng ‘Tulong Pang-Edukasyon Para sa Bulakenyo’ program nina Fernando at Castro

Pinangunahan nina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alexis Castro ang pamamahagi ng scholarship grant sa 600 Bulakenyo student na kabilang sa 20,000 scholar student ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa ilalim ng ‘Tulong Pang-Edukasyon Para sa Bulakenyo’ program sa ginanap na General Assembly sa The Pavillion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos City noong June 25, 2026. Kuha ni: ERICK SILVERIO

LUNGSOD NG MALOLOS — Nananatiling tapat ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangako nitong dekalidad na edukasyon sa kabataang Bulakenyo matapos mabigyan ang nasa 600 na iskolar mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng scholarship grant sa ginanap na “Tulong Pang-Edukasyon para sa Bulakenyo” General Assembly sa pakikipagtulungan ng Landbank of the Philippines noong Hunyo 25 sa The Pavillion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.

Sa pangunguna nina Governor Daniel Fernando at Vice Gov. Alexis Castro, tumanggap ng P3,500 ang mga college scholar na naka-enroll sa mga pribadong paaralan, habang P3,000 naman ang ibinigay sa mga scholar mula sa pampublikong state universities and colleges at gayundin sa mga pampribado at pampublikong senior high school student.

Direkta nang naipasok ang nasabing tulong pinansiyal sa Landbank accounts ng mga benepisyaryo.

Isa si Erwin Paradero, Jr. mula sa Fernandez College of Arts and Technology sa daan-daang iskolar na nagpahayag ng pasasalamat sa programa. Ayon sa kaniya, malaking tulong ang scholarship sa buong pag-aaral niya sa kolehiyo para sa mga gastusin tulad ng tuition fee

“Bilang estudyante po talaga, itong scholarship po na ibinibigay sa amin ay napakalaking halaga para sa akin. Buong college life ko, simula first year pa lang, at ngayong fourth year na ako, talagang malaking tulong ito sa akin, tulad ng pambayad sa tuition fees,” aniya.

Bukod sa pamamahagi ng tulong pinansiyal, nagsagawa rin ng financial literacy talk ang mga kinatawan ng Landbank at hinikayat ang mga estudyante na magsanay ng tamang pag-iipon, unahin ang mahahalagang gastusin kaysa sa luho, maglaan ng emergency fund, at i-maximize ang benepisyo ng Perang Inimpok Savings Option (PISO) account.

Nagsagawa rin ng talakayan tungkol sa gender sensitivity awareness, mental health, at stress management na pinangunahan nina Kaila Joie Rodaje ng Health Promotion Unit ng Provincial Health Office – Public Health at Gladylyn S. Burgos ng Provincial Social Welfare and Development Office.

Samantala, binigyang-diin naman ni Gob. Fernando sa kaniyang mensahe sa mga iskolar na ang tulong pinansiyal ay galing sa buwis ng taumbayan at ibinabalik lamang ito sa mga mamamayan sa pamamagitan ng mga programang tumutulong sa mga estudyante para makapagpatuloy sa pag-aaral.