3 armado sugatan sa engkwentro sa Bulacan

Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga – Tatlong pinaghihinalaang miyembro ng isang robbery armed group ang sugatan matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isang hot pursuit operation sa NLEX Toll Plaza (Southbound) sa Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan nitong Biyernes ng hapon, Hunyo 26, 2026.

Sa report ni Bulacan Police Provincial Office (PPO) director PCOL Jay Baybayan kay Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director Jess Mendez, kinilala ang mga sugatang suspek na sina Jonathan Perez, 33 taong gulang, may asawa at Jerome Nabuson, 36 taong gulang, kapwa TC-Driver, naninirahan sa Bulaboc, Manggahan, Montalban, Rizal habang ang isa pang suspek ay si Reymark Padilla, 32, may-asawa, residente ng #9 Chessa St., Brgy. Kapre, Novaliches, Quezon City.

Lumabas sa imbestigasyon na naganap ang engkwentro bandang 5:56 PM ilang segundo lamang matapos makapasok ang sasakyan ng mga suspek sa toll plaza pa-southbound.

Sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng flash alarm ang Bulacan PPO tungkol sa mga armadong lalaki na sakay ng isang kulay grey Toyota Hi-Ace van na may plakang NBO 4342.

Agad nagsagawa ng hot pursuit operation at mga Kapulisan bilang mga blocking forces mula sa pinagsanib na puwersa ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Provincial Police Office mula sa Bulacan, Tarlac, at Pampanga, 1st Provincial Mobile Force Command – Bulacan, Regional Special Operations Group – Region 2, Criminal Investigation Detection Group – Regional Field Unit 3 at Bocaue Police sa mga posibleng ruta ng pagtakas ng mga suspek.

Nang parahin ang sasakyan ng mga suspek sa Barangay Turo NLEX Toll Plaza, sa halip na sumuko ang mga suspek, bigla na lamang silang nagpaputok sa mga operatiba, dahilan upang gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa engkwentro na ikinasugat ng tatlong suspek.

Ang mga sugatang suspek dahil sa kanilang sitwasyon ay napilitang sumuko.

Agad silang isinugod sa Joni Villanueva General Hospital ng rumespondeng Lifeline Ambulance ng NLEX at hiniling ang tulong teknikal mula sa SOCO upang maproseso sa pinangyarihan ng krimen.

Ayon kay Baybayan, ang mga suspek ay naiulat na may kaugnayan sa mga insidente ng robbery sa Region 1, Region 3, Region 4A, at National Capital Region.

Nakasaad sa mga rekord na sangkot sila sa isang insidente ng pagnanakaw sa Magalang, Pampanga noong Hunyo 22, 2026, at isa pang insidente ng pagnanakaw sa Victoria, Tarlac noong Hunyo 24, 2026.

Pinuri ni Mendez ang mga operating team para sa kanilang mabilis na aksyon.

“Criminals who endanger the lives and safety of our people will find no refuge in Central Luzon. We will relentlessly pursue those who violate the law, while ensuring every police operation is carried out with professionalism, accountability, and respect for human rights. This is our commitment to delivering Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman” sabi ni Mendez.