Isa pa bangkay natagpuan, mabahong amoy nagsisimula nang malanghap sa ground zero

Nagsisimula nang umalingasaw ang mabahong amoy sa ground zero na hinihinalang galing sa mga nagsisimula nang maagnas na bangkay ng mga naipit na construction workers sa gumuhong siyam na palapag na gusali sa Teodoro Street, Balibago, Angeles City.

Patunay nito ang pang-anim na biktima na narekober ng mga rumesponde ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nasa decomposition stage, Biyernes ng madaling araw kaya umabot na sa anim ang bilang ng mga namatay habang 15 pa ang nawawala.

Kinilala ni Angeles City Information Officer Jay Pelayo ang ika-anim na nasawi bilang isang Roberto Sabile, ama ng ika-5 biktima na kinilalang si Christian Sabile, na natagpuan ng K9 rescue unit ng Philippine Coast Guard kamakalawa.

Sinabi ni Pelayo na natagpuan si Sabile ng mga rescuers bandang 12:40 ng madaling araw noong Biyernes.

Kinilala ang iba pang mga biktima na sina Mohd Rezal Abdullah, isang Malaysian; Mark Laurence Capungay, Porperio Alikaway, Christian Sabile, pawang mga construction worker, at isang hindi pa nakikilalang lalaki.

Sinabi ni Pelayo na nagpapatuloy ang search, rescue, retrieval, at clearing operations sa lugar.

Kaugnay nito, naiulat na nakikipag-usap na ngayon ang mga kinatawan ng may-ari at kontratista ng gusali sa Angeles LGU.

Ito ay matapos hikayatin ni Angeles City Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II ang may-ari at ang kontratista na “makipagtulungan” sa imbestigasyon sa gumuhong gusali.

Sinabi ni Lazatin noong Huwebes ng hapon, Mayo 28, na isa sa mga empleyado ng lokal na pamahalaan ang umano’y nakausap ang may-ari ng gusali.

Kinilala ang may-ari bilang si Ernest Jackson Lim, habang ang kontratista ay kinilala bilang si Joel Young, na umano’y konektado sa Golden Years Construction and Steel Works.

Ayon kay Lazatin, ipinahayag na nila ang kanilang kahandaang makipagtulungan sa patuloy na imbestigasyon sa trahedya.

“Sa ngayon, nakipag-ugnayan na sila sa amin at nagpahayag ng kanilang suporta. Anumang mga dokumento, permit, ulat, at iba pang bagay na kailangan namin kaugnay ng trahedyang naganap, makikipagtulungan sila sa amin,” sabi ni Lazatin.

Dagdag pa ng alkalde, nasa Japan umano ang may-ari, kaya naman natagalan bago siya tumugon sa paghahanap ng mga awtoridad.

Tiniyak din ni Lazatin na magiging transparent ang imbestigasyon upang managot ang sinumang may pananagutan sa insidente.

“Tinitiyak ko sa inyo ang transparency at accountability sa bawat imbestigasyon na magaganap. Tinitiyak ko rin sa publiko na magkakaroon ng hustisya at malalaman natin ang katotohanan tungkol sa trahedyang ito,” dagdag niya.