
Nagpapasalamat po tayo sa lahat ng kawani at ahensya ng gobyerno na patuloy na nagsusumikap na hanapin ang mga natitirang manggagawa na naipit sa guho ng gusali sa Lungsod ng Angeles kahapon ng madaling araw. Tiwala po tayong hindi tatantanan ng mga awtoridad ang pagsagip sa mga biktima, anumang hirap ng sitwasyon na kanilang kaharapin.
Umaapela na po tayo sa Department of Labor and Employment (DOLE) na muling buksan ang imbestigasyon tungkol sa occupational safety and health standards (OSHS) ng naturang construction site habang nagpapatuloy ang rescue operations.
Napagalaman po natin na nagkaroon ng inspeksyon rito noong Setyembre ng nakaraang taon, at ipinatigil ng DOLE ang paggawa doon matapos matuklasan ang mga paglabag sa OSHS. Nais po natin na tukuyin ng DOLE kung naging maayos at sapat ba ang mga ginawang tugon ng kontratista at may-ari ng gusali sa mga naging paglabag, kahit na hindi na umano nagkaroon ng karagdagang pagsusuri sa kanilang construction site ngayong taon.
Hinihiling po natin sa DOLE na bumuo ng isang task force na tututok sa mga pangangailangan ng ating mga nakaligtas na manggagawa at kanilang pamilya. Tulungan po natin ang pamilya ng mga biktima sa pag-proseso ng kanilang mga claim para mapagaan ang bigat ng kanilang sitwasyon.
Malaking peligro po ang kinakaharap ng ating mga manggagawa sa mga construction site kaya isinulong natin ang panukalang batas na Republic Act No. 11058 upang siguruhin na protektado ang kapakanan nila. Isinulong natin ang panukalang ito upang magbigay ng karagdagang proteksyon sa mga manggagawa na kadalasan ay hindi pinapahalagahan ng mga mapansamantalang indibidwal.





