9-Storey building gumuho, 40 katao pinaniniwalaang na-trap

Gumuho ang isang 9-storey building na under construction at pinaniniwalaang na-trap sa loob ang nasa 40 manggagawa rito sa corner ng Oak street at Teodoro Street sa Old Sta. Maria, Barangay Balibago, Angeles City madaling-araw ng Linggo, Mayo 24, 2026.

Nagsasagawa ngayon ng rescue operation ang ibat-ibang government at mga volunteer rescue teams sa site ng pinangyarihan ng pagguho kung saan may mga katabing establisyimento rin ang nadamay kabilang ang former Lorietas Building at Norma’s Money Changer.

Base sa panimulang imbestigasyon, naganap ang pagguho bandang alas-3:00 Linggo ng madaling-araw matapos ang malakas na ulan at hangin na nagpatumba ng maraming mga puno sa maraming lugar sa Angeles City Sabado ng gabi.

Agad na iniutos ni Mayor Carmelo Lazatin II sa Angeles City Disaster Risk and Reduction Management Office (ACDRRMO) ang pagsasagawa ng rescue operation kasama na rin ang mga tauhan mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Barangay officials ng Balibago at mga volunteer rescue team para sa search and rescue operations.

Samantala, nagpadala na rin si Bulacan Governor Daniel Fernando ng mga tao mula sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) para tumulong sa isinasagawang search and rescue operation.

Nabatid na bandang alas-7:00 ng umaga ay una nang na-rescue ang nasa 10 na pawang mga construction workers habang 10 pa na indibidwal mula naman sa nadamay na katabing establisyemento at 2 pa ang narinig na buhay na nasa loob ng gumuhong building.

Napag-alaman na ang mga biktimang nasa loob ng gumuhong gusali ay mga construction workers na natutulog sa 2nd floor nang mangyari ang pagguho.

Patuloy ang isinasagawang search and rescue operation habang isinusulat ang balitang ito.