Mga magsasakang apektado ng dry spell tumanggap ng cash aid sa Malolos

Sa pangunguna ni Malolos City Mayor Christian Natividad (kaliwa) ay naipamahagi ang P5,000 tulong pinansyal para sa mga magsasaka na naapektuhan ng dry spell at kakulangan ng supply ng tubig irigasyon na ginanap sa city hall noong Mayo 13, 2026. Kuha ni: ERICK SILVERIO 

Nagsimula nang mamahagi ng cash assistance ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa pangunguna ni Mayor Christian D. Natividad sa humigit-kumulang isang daang magsasaka na apektado ng dry spell o kakulangan ng supply ng tubig irigasyon para sa mga sakahan sa nasabing lungsod.

Sa panayam kay Mayor Natividad sinabi nito na nasa sampung barangay sa kanilang lungsod ang direktang naapektuhan ng dry spell kabilang na rito ang malalaking ektaryang sakahan sa Barangay Sumapang Bata at Matanda, Barihan, Santisima Trinidad, Bungahan, Ligas, San Pablo at Tikay.

Sinabi ng alkalde na ang mga pamilyang magsasaka ay pinagkalooban ng Pamahalaang Lungsod ng P5,000 bawat isa bukod pa rito ang galing sa pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Department of Agriculture.

Ayon kay Natividad nasira ang mga pananim sa lupang sinasakahan ng mga magsasaka dahil sa walang supply ng tubig mula sa mga irigasyon na pinamamahalaan ng National Irrigation Administration.

Dagdag pa rito ang sobrang epekto ng init kung kayat tuluyan nang natuyo ang mga pananim na palay at gulay sa kanilang sinasakahang lupa.

Sinabi ng alkalde na sa krisis na nararanasan ngayon ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Middle East pati sa pagtaas ng presyo ng petrolyo ay una na silang nagkaloob ng financial assistance sa mga pamilyang OFW,  TODA, JODA, at ngayon ay mga magsasaka naman ang nabigyan ng kaukulang tulong.

Aniya, sa OFW ay nakapaglaan sila ng P10,000 bawat isa para sa 400 OFWs, at nasa kabuuang P31.5-milyon naman sa mga miyembro ng TODA, JODA, Food Panda, Grab, Joy Ride at Delivery drivers, farmers at fishermens.

Dagdag pa ni Natividad na patuloy na susuporta ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa mga sektor na apektado ng kung ano mang krisis sa abot ng kanilang makakaya.