
BULACAN- Nagsimula nang makatanggap ng financial assistance mula sa Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang mga pamilya ng bawat Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Middle East na hindi makauwi at makapagpadala ng remittance.
Nitong nakaraang Lunes ay pinangunahan ni Mayor Christian Natividad ang pamamahagi ng P10,000 financial assistance sa inisyal na 36 benepisyaryo na mayroong kaanak na nasa Middle East na apektado ng giyera at hanggang ngayon ay stranded at hindi pa nakakauwi at nakakapagpadala ng pera sa kanilang pamilya.
Ayon kay Natividad, 64 pamilya pa ng mga Malolenyong OFW ang nakatakda rin makatanggap ng kaparehong halaga sa mga susunod na araw at maaari pang madagdagan.
Nabatid na mula nang sumiklab ang digmaan sa Middle East at sunod-sunod umusbong ang mga problema ng mga OFW roon, ay agad na binuo ni Natividad ang ‘Special Help Desk’ para sa mga OFW apektado ng giyera sa Middle East.
“Bukod sa regular na OFW help desk ay nagdedicate pa tayo ng ‘Special Help Desk’ para dun sa mga kababayan natin na OFW na apektado ng confict sa disputes or skirmishes sa Middle East at una na tayong nakapagbigay ng tulong sa inisyal na 36 pamilya,” Natividad.
Nabatid na ang Lungsod ng Malolos pa lamang ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa Gitnang Luzon na nakapagbigay ng tulong pinansyal na gaya nito para sa mga OFW families apektado ng giyera.
Bukod sa cash assistance ay magkakaloob din Lungsod ng Malolos ng tulong sa mga OFW doon na nais makauwi ngunit hindi mapabilang sa repatriation ng pamahalaang nasyunal ay gagawa sila ng paraan upang sila ay makauwi at makapiling ang kanilang mga pamilya.
“Kung mahihirapan ang Department of Foreign Affairs (DFA), ang nasyunal na mapasama sila sa listahan ng repatriation activity ay tutugon din po tayo, willing po ang City Government ng Malolos na sagutin ang pamasahe nila pauwi,” wika ni Natividad.
Nabatid pa na sakaling matapos ang giyera ay nakahanda ang City Government ng Malolos na bigyan ng pamasahe ang mga OFW na nais makabalik sa pinirmahan nilang kontrata sa ibang bansa.
Sakaling tumagal pa ang kaguluhan sa Middle East ay nakahanda pa rin ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa bawat Malolenyong apektado kung saan giit ni Natividad; “Ang logic ng governance natin ay ang gobyerno ang mag-a-adjust sa tao at sa sitwasyon gaya nito, tayong nasa gobyerno ang mag-adjust sa pangangailangan nila na hanggat kailangan nila ng tulong ay tutulungan natin sila”.
Ayon sa alkalde, hangad ng kanyang liderato sa kasalukuyan na iparamdam sa mga biktima ng digmaan sa Gitnang Silangan na may gobyernong kumakalinga sa kanila at hindi sila iiwanan sa gitna ng panadaigdigang krisis at banta ng panganib sa kanilang mga buhay.
Sa huling datos ng Malolos City ay nasa humigit-kumulang na 2,000 ang mga OFW all across the world ngunit ang mga tumanggap ng financial assistance ay pawang mga nasa lugar ng Middle East gaya ng bansang Qatar, Bahrain, United Arab of Emirates, Saudi, Kuwait at Israel.





