
Inaprubahan na ng Pampanga Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ang P90-milyong trust fund na naipon mula sa nakaraang taon, na gagamitin ng konseho bilang paghahanda sa mga posibleng problemang maidudulot ng man-made disasters, kabilang na ang mga kaguluhan sa Middle East.
Naaprubahan ang trust fund sa isinagawang Unang PDRRMC Quarterly Meeting, na pinangunahan ni PDRRMC Chairman at Gobernador Lilia “Nanay” Pineda at Vice Chairman Bise Gobernador Dennis “Delta” Pineda, sa bisa ng PDRRMC Resolution No. 2.
Bukod pa rito, may nakalaan ding karagdagang P60-milyong pondo mula sa mga trust fund ng mga nakalipas na taon.
Nagpasalamat si Gov. Nanay sa konseho dahil napapanahon at mahalaga ang hakbang na ito upang maging handa ang lalawigan sa mga problemang maaaring idulot ng kaguluhan sa Middle East at ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Kailangan natin ng karagdagang pondo ngayon dahil sa kinakaharap nating krisis sa Middle East. Malaking tulong ito. Ang hinaharap nating krisis ngayon ay hindi bagyo, baha, o mga karaniwang problemang pinaghahandaan natin. Ibang klaseng disaster ito. Disaster ito hindi lang para sa atin kundi para sa buong mundo, kaya kailangan pag-aralan natin kung paano tayo makaka-survive,” pahayag ni Gov. Nanay.
Ayon sa kanya, dapat laging handa ang Kapitolyo upang may nakalaang pondo sakaling kailanganin ang agarang tulong para sa mga Kapampangan na matinding maaapektuhan ng anumang krisis.
Dahil dito, naglabas na rin ng Executive Order si Gov. Nanay na magpapatupad ang Kapitolyo at mga munisipalidad ng 4-day work week, mula 7:00 a.m. hanggang 6:00 p.m., Lunes hanggang Huwebes, upang makatulong sa mga empleyado ng gobyerno sa gitna ng pagtaas ng presyo ng petrolyo at kakulangan sa suplay nito.
Bukod dito, ibinahagi rin ang forecast ng PAG-ASA tungkol sa pagtatapos ng La Niña season at ang paglipat nito sa ENSO-neutral na kondisyon.
SOURCE: PAMPANGA PIO





