
LUNGSOD NG MALOLOS – Kasabay ng pagdiriwang ng Pambansang Buwan ng Kababaihan, pormal na binuksan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang Women and Children Protection Unit sa Bulacan Medical Center noong Marso 11.
Hangad ng bagong tayong pasilidad na makapagbigay ng specialized medical care, psychological support, at coordinated social services sa kababaihan at mga batang nakaranas ng pang-aabuso, pagsasamantala, trafficking, at iba pang uri ng karahasan.
Binigyang-diin ni Gobernador Daniel R. Fernando ang pangako ng Pamahalaang Panlalawigan na protektahan ang mga mahihina, lalo na ang kababaihan at mga bata.
“Ang pagbubukas ng Women and Children Protection Unit ay isang konkretong hakbang sa pagtiyak na ang mga biktima ng pang-aabuso ay hindi naiiwanang nag-iisa sa kanilang pakikibaka. Ang pasilidad na ito ay nagsisilbing aming pangako na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay patuloy na poprotektahan ang dignidad, kaligtasan, at mga karapatan ng bawat babae at bata,” anang gobernador.
Ayon sa Pinuno ng WCPU na si Dr. Jose Emiliano T. Gatchalian, idinisenyo ang pasilidad hindi lamang para protektahan ang mga biktima kundi upang masiguro ang tamang interbasyon sa mga indibidwal na kasangkot sa pang-aabuso, na kinikilala na ang ilang mga salarin ay nakaranas rin ng trauma.
Samantala, ipinaliwanag ni Dr. Violeta M. De Guzman na bukas ang center 24 oras sa isang araw, pitong araw isang linggo, upang masiguro na lahat ng biktimang darating sa ospital ay makatatanggap ng agarang nararapat na kalinga.
Ang mga pasyenteng may pisikal na pinsala ay paunang gagamutin sa emergency room ng ospital bago ilipat sa protection unit, kung saan bibigyan sila ng karagdagang medikal, sikolohikal, at sosyal na interbasyon ng mga sinanay na tauhan.
Hinihikayat ang mga Bulakenyo na iulat ang mga kaso ng karahasan at pang-aabuso sa WCPU hotline na +639397624522.





