Pananda na nagtutuwid sa kasaysayan ng paaralan sa Malolos inilagak ng NHCP

Pinangunahan ni National Historical Commission of the Philippines Executive Director Carminda Arevallo ang paghahawi ng tabing ng panandang pangkasaysayan sa kumpirmadong taon ng pagkakatatag ng ngayo’y Marcelo H. Del Pilar National High School sa lungsod ng Malolos. (NHCP)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Pinasinayaan ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang panandang pangkasaysayan sa kumpirmadong taon ng pagkakatatag ng ngayo’y Marcelo H. Del Pilar National High School sa lungsod ng Malolos.

 

Pinangunahan ni NHCP Executive Director Carminda Arevallo ang paghahawi ng tabing sa harapan ng bagong gawa na gymnasium ng nasabing paaralan.

 

Ayon kay Arevalo, ang panandang pangkasaysayan ay magsisilbing mahalagang paalala ng pinagmulan at tagumpay ng institusyon. 

 

Nauukit dito ang mahalagang datos at kasaysayan ng paaralan na patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa kasalukuyan at susunod na henerasyon.

 

Binigyan diin nito ang natatanging ambag ng paaralan sa paghubog ng mga kabataang Bulakenyo sa loob ng 123 taon.

 

Mauugat ang pinagmulan Marcelo H. Del Pilar National High School nang itatag ito ng mga Amerikanong Thomasites sa tahanan ng pamilya Carlos sa Baliwag, Bulacan. 

 

Pinangalanan itong Bulacan High School noong Hulyo 13, 1903 na dalawang taon na mas maaga sa taong 1905 na napaunang kinilala bilang taon ng pagkakatatag nito. 

 

Sa patuloy na pagdami ng mga mag-aaral na pumapasok dito, inilipat na sa Malolos ang paaralan noong 1906 habang naitala ang unang batch ng mga nagsipagtapos noong 1909.

 

Nang tumama ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, labis itong napinsala kaya’t pansamantalang idinaos ang mga klase sa Casa Real de Malolos at mga kalapit na matatandang bahay.

 

Pagpasok ng dekada 50, muling itinayo ang high school sa bakuran ng Kapitolyo ng Bulacan sa Malolos sa tulong ng Philippine War Damaged Commission na pinondohan ng Philippine Rehabilitation Act of 1946 na inaprubahan ng Kongreso ng Amerika.  

 

At sa panahon ding ito ipinangalan sa karangalan ni Marcelo H. Del Pilar ang nasabing paaralan.

 

Sa kasalukuyan, matatagpuan ang mas malaking campus ng Marcelo H. del Pilar sa barangay Bagong Nayon at ganap na naging isang national high school noong 2003.