NAPOLCOM, kinilala ang 33 Bulakenyong pulis para sa matatagumpay na misyon

LUNGSOD NG MALOLOS — Bumisita si National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson and Executive Officer Commissioner Rafael Vicente R. Calinisan sa Bulacan Police Provincial Office (BPPO) at pinangunahan ang pagkilala sa 33 pulis sa buong lalawigan para sa kanilang matagumpay na operasyon at mga kasong nalutas nitong Huwebes, Pebrero 26, sa Camp General Alejo S. Santos sa lungsod na ito.

Nakasama ni Calinisan si BPPO Provincial Director PCOL Angel L. Garcillano sa paggawad ng mga sertipiko ng komendasyon sa mga pulis mula sa Malolos MPS (3), Marilao MPS (3), Santa Maria MPS (3), PIU (4), Baliwag CPS (3), 1st PMFC (3), Meycauayan CPS (3), Bustos MPS (3), San Rafael MPS (2), Calumpit MPS (3), at SJDM CPS (3).

Ipinahayag ng komisyoner ang kaniyang paghanga sa mga pinarangalan at binansagan ang mga ito bilang mga “action star” ng Bulacan Police. Binanggit din niya ang kaniyang hangarin na personal na maiparating ang pasasalamat sa kalahati ng populasyon ng kapulisan sa bansa bago matapos ang kaniyang termino sa 2031.

“Ang plano ko, makamayan ang [kahit] kalahati ng kapulisan bago ako umalis. Gusto kong iparamdam sa lahat ng pulis na ‘yung NAPOLCOM [ay] kakampi ninyo,” ani Calinisan.

Ibinigay rin niya sa mga dumalo ang kaniyang personal na contact number bilang tanda ng pagiging bukas at transparent sa lahat ng pulis, lalo na kung may nais silang hilingin o imungkahi sa komisyon.

“[You may contact me] if you [want to] inform me about anything, na nag-request kayo ng personal,ihingan, may gusto kayong polisiyang dapat baguhin, may suggestion kayo na anoba’ng dapat gawin sa PNP o dapat baguhin sa NAPOLCOM,” dagdag pa niya.

Nag-iwan din si Calinisan ng paalala sa mga estudyante ng kriminolohiya na kasalukuyang nagsisilbing interns sa BPPO, na ang pagkakaroon ng uniporme at kapangyarihan ng pulisya ay hindi lisensiya upang magmayabang, lalo na sa mga taong kanilang paglilingkuran sa hinaharap.

“Pakiusap ko since we’re doing things for you, [ay] let’s serve our people. And when I say serve our people, I say serve them humbly. Hindi lisensiya ‘yung uniporme sakayabangan. Hindi lisensiya ang kapangyarihan sa kayabangan,” aniya.

Bukod dito, nasaksihan din ni Calinisan ang unveiling ng mga facility marker ng BPPO sa loob ng kampo, kabilang ang Renovated Kabalikat Hall Conference Room, Renovated Sacred Hearts of Jesus and Mary Chapel, Kabalikat ‘98 Activity Center, Bulacan PPO Relocated Flagpole, at ang Kabalikat ‘98 Multi-purpose Lobby.