Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno ni Governor Daniel R. Fernando ay nagbalangkas ng Preparedness Measures and Directives sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor ng pamayanan bilang kahandaan sa napipintong tatlong araw na tigil pasada ng mga jeepneys nationwide.
Ito ay patungkol sa napaulat na malawakang tigil pasada na isasagawa mula ika-24 hanggang 26 ng Marso, 2025 at lalahukan ng ibat-ibang grupo ng transportasyon, drayber at operators ng mga tradisyonal na jeepneys.

“Ang inyong lingkod ay nagbalangkas ng mga kahandaan para sa mga pampubliko at pribadong paaralan gayundin sa pribado at pampublikong tanggapan,” ayon kay Fernando.
Inatasan ni Fernando ang mga Punong Lungsod/ Bayan ng paghahanda sa pamamagitan ng posibleng libreng sakay o tulong sa transportasyon para sa mga Bulakenyo.
Sa hanay ng Kapulisan, pagbabantay at pagtiyak sa kaligtasan ng bawat drayber at operators na hindi lalahok sa tigil pasada.
“Ito ay dagdag sa kanilang tungkulin na patuloy na pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan ng Lalawigan,” ayon sa gobernador.
Sa panig ng mga paaralan ay pagsasagawa ng Alternative Learning Modalities sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan habang may banta ng tigil pasada.
Sa mga Pampublikong paaralan, mayrong pasok ang mga kawani upang hindi maantala ang pagbibigay serbisyo sa ating mga kalalawigan.
Habang sa mga pribadong tanggapan, pagpapasya at diskresyon ng mga tagapamahala ang pagdedeklara ng kanselasyon ng trabaho.
“Ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay magpapatuloy ng serbisyo sa ating mga kalalawigan habang nagmo-monitor sa epekto ng sinasabing tigil pasada. Naghanda rin tayo ng mga kaukulang hakbangin upang tumulong sa lahat ng Bulakeny na maaaring maapektuhan,” wika ni Fernando.
Kaugnay nito, hinihiling na dagliang makipag-ugnayan sa Tanggapan ng Punong Lalawigan o sa PDRRMC kung sakaling kinakailangan ng tulong ng pamahalaan.