Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga- Mahigit -Tinatayang nasa 1,300 pulis ng Police Regional Office 3 (PRO3) ang ipapadala sa Maynila upang masigurong ligtas at maayos ang pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno na gaganapin sa darating na Enero 9.
Ayon kay PBGen Redrico Maranan, Regional Director ng PRO3, ang mga ipapadalang kapulisan ay ipoposisyon sa Quirino Grandstand para sa tradisyunal na Pahalik at sa iba’t ibang entry at exit points sa Metro Manila.
“Ang layunin ng deployment na ito ay tiyakin ang kaligtasan, seguridad, at kapayapaan ng lahat ng dadalo sa aktibidad,” ani RD Maranan.
Bilang suporta sa NCRPO, binigyang-diin ni RD Maranan ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga kapulisan upang matiyak ang tagumpay ng seguridad sa kapistahan.
“Ang PRO3 ay nakahandang tumulong sa NCRPO sa pagsiguro ng kaayusan at kaligtasan ng Pista ng Itim na Nazareno. Ang ating pagkakaisa at aktibong koordinasyon ay susi upang maging maayos at ligtas ang pagdiriwang na ito,” aniya.
Bagama’t wala namang nakikitang seryosong banta kaugnay sa kapistahan, iginiit ng PNP ang kanilang kahandaan.
“Ang ating mandato ay hindi lamang para tiyakin ang kapayapaan ngunit pati na rin ang tiwala ng publiko sa kakayahan ng ating kapulisan. Sa ganitong mahalagang okasyon, mas pinagtitibay natin ang ating dedikasyon na maglingkod ng buong puso,” dagdag pa ni Maranan.
Sa pamamagitan ng aktibong koordinasyon sa NCRPO, mga ahensiya ng pamahalaan, at sa komunidad, tiniyak ng PRO3 na magiging maayos at handa ang kanilang operasyon upang masiguro ang kaligtasan at tagumpay ng selebrasyon.