BAGAMAT kumpleto na sa bakuna ay nagpositibo pa rin sa Coronavirus disease (Covid-19) ang isang provincial board member sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan dalawang araw bago ang paghihiwalay ng taon.
Sa lumabas na RT-PCR swab test petsang December 30, 2021 ay kumpirmadong positibo sa Covid-19 si Bokal Emily Viceo sa kabila na siya ay fully vaccinated at mayroon na ring Moderna booster shot. Nabatid na sumadya sa St. Luke Global City Hospital si Viceo upang samahan ang asawa na naka-schedule ng check-up at dahil kasama sa polisiya at protocol ng nasabing pagamutan ay kailangang sumailalim sa swab test ang bawat indibiduwal na papasok.
Base sa resulta at positibo si Viceo na kasalukuyan ngayong naka-home 14-day isolation sa kaniyang bahay sa Quezon City.
“Ako po ay humihingi ng paumanhin sa lahat ang aking nakasalamuha nitong huling dalawang linggo. Hinihikayat ko po kayo na pakiramdaman ninyo ang inyong sarili, mag-quarantine, at sumangguni sa RHU o sa inyong doctor, kung kinakailangan,” wika ni Viceo. “Hinihikayat ko rin po ang lahat na patuloy na mag-ingat. Lubhang matinding kalaban po ang COVID-19 sapagkat kahit na ang inyong lingkod na alam na alam ng mga malalapit sa akin na ako ay disiplinado at matindi ang pag-iingat, at mahigpit na sunusunod sa mga health protocol ay nagkaroon pa rin nito,” dagdag pa nito.