HINIHINALANG sa tindi ng amoy mula tangke ng pabrika ng patis ay isang death accident ang naiulat kung saan apat na lalaki ang natagpuang wala nang buhay dahil umano sa suffocation sa loob ng isang abandonadong fish sauce factory sa Barangay Panghulo, Obando, Bulacan noong Huwebes ng hapon (Otober 3, 2024).
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Rodolfo Tolentino, caretaker at residente ng nasabing lugar; Michael Lumukso; Eduardo Salomag at Raffy Felix, 44 taong gulang,may asawa, pawang mga construction worker.
Sa imbestigasyon, natagpuang patay ang mga biktima dakong alas-2:00 ng hapon sa isang abandonadong pagawaan ng patis na “Tentay Patis” dahil umano sa masangsang na amoy na nalanghap ng mga ito o suffocation.
Lumalabas din ang inisyal na imbestigasyon ng pulisya, na isang tawag sa telepono ang natanggap ng Obando Police Station mula sa isang Luis Galves, Admin Officer ng Barangay Panghulo.
Agad namang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya sa nasabing lugar para magsagawa ng imbestigasyon.
Napag-alaman na isang Allan Dela Cruz, 51, helper ng isang Alfredo Santos, may-ari ng nasabing lugar, ang nagsabi na namataan niya ang isa sa biktimang si Rodolfo Tolentino na nakahandusay sa konkretong tangke na may 12-ft ang lalim.
Sinabi rin niya na lilinisin na sana ni Tolentino ang nasabing tangke nang mawalan ito ng malay.
Pagkatapos noon, humingi ng tulong si Allan sa mga taong nagtatrabaho sa loob ng lugar, pagkatapos ay tatlo pa ang rumesponde sina Lumukso, Salomag, at Felix, pawang mga construction worker ngunit nabigong iligtas ang unang biktima at nalagutan din ng hininga
Isinagawa ang rescue at retrieval operation ng Obando BFP at MDRRMO ngunit patay na ang mga biktima.
Dinala ang bangkay ng biktima sa Ramos Funeral Homes sa Brgy. Catanghalan kung saan hiniling ng mga awtoridad ang serbisyo ng Provincial Forensic Unit para sa
pagsasagawa ng autopsy examination sa bangkay ng mga biktima.