CLARK FREEPORT ZONE, Pampanga (PIA)- Hinikayat ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista ang mga nasa industriya ng transportasyon sa bansa, na mas paramihin ang palikha ng mga lokal na disenyo para sa lalong ikabubuti ng Public Transport Modernization Program (PTMP).
Iyan ang binigyang diin ng kalihim sa ginanap na Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region III Transport Summit 2024 sa ASEAN Convention Center sa Clark Freeport Zone, Pampanga.
Maipepreserba aniya nito ang tradisyunal na disenyo ng pambansang sasakyan na dyip habang ginagawang moderno ang sistema ng pampublikong transportasyon. Gayundin ang katiyakan na madadagdagan ang mga oportunidad sa trabaho sa larangan ng local motor assembly.
Ayon pa sa kalihim, magbubukas din ito ng pinto para sa inobasyon na kahit tradisyunal ang disenyo, maaari itong kabitan ng mga makabagong makina na may mababa ang ibinubuga na usok o ang kaya mga electric vehicles.
Ang pagpapalakas sa mga lokal na disenyo ng pampublikong transportasyon ay naaayon sa mandato ng PTMP tulad ng fleet modernization, vehicle useful life, industry consolidation, local public transport route plan, stakeholder support, route rationalization, communications, financing, initial implementation at ang aspeto ng regulatory reform.
Kaya naman naging pagkakataon ang naturang transport summit upang maipa road test sakay ng mga operators at drivers ng mga pampublikong transportasyon sa gitnang Luzon, ang isang modernong electric dyip na tradisyunal ang disenyo na pinasimulan sa lalawigan ng Ilocos Sur.
Ayon kay LTFRB Region III Regional Director Aminoden Guro, isang mainam na pagkakataon ang pagpapakilala nitong modern electric-traditional designed jeepney na makasama sa pagpilian sa fleet modernization ng nasa 84% consolidated public transport operators sa rehiyon.
Sa kasalukuyan, kasama ang gitnang Luzon sa Top 5 na mga rehiyon sa Pilipinas na may mataas na pagtalima sa PTMP kung saan 23, 241 modern units na ang bumibiyahe. Iba pa rito ang 18,436 ang inaasahang maging modernize na ang mga units matapos ang matagumpay na consolidation o pagkakabuo ng mga indibidwal na operators bilang isang kooperatiba.
Pinakamaraming lumahok sa PTMP ay nasa lalawigan ng Pampanga na 8,793 modern units na ang nasasakyan ng mga pasahero at 7,465 na units ang consolidated na handa nang maging moderno.
Sa Bulacan, nasa 4,958 na mga modernong units na ang bumibiyahe habang 3,901 units ang hindi pa moderno pero pawang consolidated na. Aabot na rin sa 2,292 ang mga modern units na umiikot na ngayon sa Nueva Ecija at 1,810 ang nagsagawa na ng consolidation na paparating na mga modern units.
Mayroon namang 2,079 units ng mga modern units ang ngayo’y nakakabiyahe na sa Tarlac at 1,628 na consolidated ang nag-aabang nang dumating ang kanilang modern units.
Sa Zambales, 2,433 na ang modern units at 2,023 units ang maidadag pa mula sa consolidation. Habang 1,041 ang mga bumibiyahe nang modern units sa Bataan na may hinihintay pang 961 na nakapag-consolidate na. Wala pa namang naitatalang nailahok sa PTMP sa lalawigan ng Aurora.
Para kay LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, patunay ang lumalaking bilang ng mga rutang nagpapatakbo ng mga modernong pampublikong sasakyan na matatag at umaandar ang PTMP.
Kaugnay nito, ibinalita rin ni Secretary Bautista na isinusulong ng DOTr na madagdagan ng Kongreso ang halagang P1.6 bilyon na nailaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa 2025 National Expenditure Program (NEP) para sa PTMP. Target ng ahensiya na malaanan ng hanggang P7 bilyon ang nasabing programa kung saan kabilang sa lalaanan ang sabsidiya.
Samantala, bukod sa pondong inilalaan ng DOTr, umabot na sa P17.2 bilyon ang naipautang na ng Land Bank of the Philippines at Development Bank of the Philippines (DBP) para sa pagbili ng nasa 7,694 na mga modern units base sa tala ng LTFRB-Region III noong Disyembre 2023.
Ayon pa kay LTFRB Region III Regional Director Guro, mayroon pang P23.25 bilyon na nasa loan pipelines para sa karagdagang 9,217 modern units.
Mayroon pang P3.2 bilyon naman ang naipahiram ng iba’t ibang private financial institutions para sa 1,281 modern units na nabili hanggang Disyembre 2023. Habang may P53 milyon pang ipapalabas para sa 145 modern units.