Nahaharap sa administrative case sa Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan at kasong estafa naman sa Malolos Municipal Trial Court ang isang Sangguniang Kabataan (SK) Chairman at Federation President naman ng bayan ng Paombong, Bulacan matapos ireklamo ng isang prominenteng negosyante.
Sa panayam kay Nino Azer Leyesa, negosyante at siyang nagreklamo, unang nito isinampa ang kasong Estafa sa Bulacan Provincial Prosecutors Office laban sa inerereklamo na si Louie Marvin Tomacruz, SK Chairman ng Barangay Sto. Nino at nagsisilbi rin bilang SK Federation President sa Sangguniang Bayan ng Paombong.
Isinampa rin ni Leyesa ang kasong administratibo (Conduct Unbecoming of Public Official) sa Bulacan SP noong Agosto 19 kung saan hinihiling nito na masuspinde si Tomacruz. Ang kasong Estafa naman ay unang isinampa sa Provincial Prosecutors Office noong Mayo 2022 at hanggang sa ngayon ay dinidinig pa sa Malolos Municipal Trial Court Branch 2.
Base sa reklamo, sumailalim sa isang business transaction ang dalawang panig kung saan ang inerereklamo na si Tomacruz ay tumanggap ng P139,000 mula kay Leyesa, may-ari ng VL Leyesa Car Leasing Transport Corporation para sa isang software development agreement ng kumpanya.
Nabatid na hindi umano tumupad si Tomacruz sa kontrata at ilang ulit na pumalya sa mga pangako kaya itinuloy ni Leyesa ang pagsasampa ng kaso.
Nakasaad sa kaniyang complaint affidavit: “The respondent, being a public official, should have been mindful of his actions as he is held to a higher standard and is expected to act with fairness and integrity in all his actions. His behavior is not only a reflection of his personal character but also of the office he represents, making it imperative for him to uphold these values in all his dealings”.
Umaasa si Leyesa na magiging patas at naaayon sa batas ang magiging hatol sa kaniyang isinampang reklamo.
Samantala, wala pang pahayag ukol rito mula sa panig ni SK Tomacruz kung saan ayon sa kaniyang sent message sa kaniyang social media account ay wala pa siya natatanggap na kopya ng reklamo mula sa Sangguniang Panlalawigan Office.