TATANGGAP ng tig-500,000 pesos na cash aid ang apat na lalawigan mula sa Visayas at Mindanao at Mimaropa region na grabeng sinalanta ng nagdaang bagyong ‘Odette’ na kaloob ng provincial government ng Bulacan kasabay ng panawagan ni Governor Daniel Fernando sa kapwa niya LGU’s at Bulakenyos na magpaabot din ng tulong sa mga naging biktima.
Naglaan ng P2-milyon cash aid o financial assistance si Fernando para sa dalawang lalawigan sa Visayas gaya ng Cebu at Bohol; Surigao Del Norte sa Mindanao at Palawan sa Luzon o Mimaropa region.
Ayon kay Fernando ang nasabing tulong pinansyal ay ipadadala ‘bank to bank’ thru Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) sa pangunguna ni Liz Mungcal.
Ang apat na nabanggit na lalawigan ang kabilang sa mga grabeng tinamaan at sinalanta ng bagyong Odette kaya agad na inatasan ng gobernador na gumawa ng paraan kung paano makapagpapaabot ang Bulacan ng tulong sa mga biktima ng naturang bagyo.
Nabatid na ang nasabing financial aid ay inisyal lamang at gagawa rin ng fund raising ang pamahalaang panlalawigan para madagdagan pa ito at makapagpadala pang muli.
“Ako po ay kababaang loob na umaapela sa aking mga kababayang Bulakenyo at kapwa ko public servant na tulungan po natin ang ating mga kababayang nasalanta ng bagyong Odette bilang pasasalamat dahil hindi tayo ang nasa kalagayan nila ngayon,” ayon sa gobernador.
Nanawagan din si Fernando na patuloy magdasal hindi lamang sa mga typhoon victims kundi sa kasalukuyan pa ring kalagayan ng bansa laban sa pandemiya.