Binigyang-diin ni Senador Joel Villanueva ang kahalagahan ng pagpapanatili ng right values sa good governance o mabuting pamamahala.
“Filipinos deserve only the best and must demand efficient and transparent service from their government leaders,” pahayag ni Villanueva sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng Philippines for Jesus Movement – Batangas Chapter.
Sa nasabing pagtitipon, ibinahagi ni Villanueva ang mga nagawa ng Senado sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang Senate Majority leader sa 1st at 2nd regular session ng 19th Congress.
May kabuuang 245 bills at resolutions ang naipasa ng Senado, kung saan 18 panukala ang kasama sa Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) priority measures. May 62 panukala naman ang naging batas; 49 ang naipasa sa dalawang Kapulungan ng Kongreso o naghihintay ng bicameral conference committee reports; siyam ang naghihintay ng lagda ng Pangulo; at 125 naman ang adopted resolutions.
Pinaalalahanan pa ni Villanueva ang mga dumalo sa pagtitipon na pumili ng lider na tunay na naglilingkod para sa bayan at palakasin ang kanilang moral fabric lalo na’t nalalapit na ang 2025 halalan.
Hinimok din niya ang publiko na magkaroon ng mas mataas na pamantayan para sa mga indibidwal na nagnanais tumakbo sa pampublikong posisyon at iboto ang mga lider na matuwid at may prinsipyo.
“Kayo po ang may-ari ng inyong kinabukasan. Kung ang mamanahin ninyo ay isang bulok na pamahalaan, huwag kayong pumayag. May magagawa po kayo,” sabi pa ng senador sa 2,000 kataong dumalo sa pagtitipon na kinabibilangan ng mga youth leader, estudyante, local leader, at miyembro ng Christian community.
Nanawagan din si Villanueva sa mga kabataan na mahalin ang Diyos at bayan na maaaring ipakita sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mabuting layunin at makabuluhang pagbabago.
Sa gitna ng talakayan sa pagpasa ng Absolute Divorce bill sa House of Representatives, sinabi ni Villanueva na dapat mag-step up ang mga kabataan at iparating ang kanilang boses sa mga lider na maghahatid ng tunay na serbisyo at manatiling mapagbantay laban sa mga polisiya na sumasalungat sa pananampalatayang Kristiyano.
“We must speak up and be ready to do even the unpopular thing if we truly love this country,” sabi ni Villanueva.
Sabi pa ng senador, bawat tao ay maaaring gumawa ng pagkakaiba kung layunin nila ang tunay na kabutihan ng kanilang kapwa mamamayan at ng kanilang bayan.
“The position does not define the mission,” ayon kay Villanueva na nangakong mananatiling matatag sa kanyang gawain sa Christian community at bilang halal na lingkod-bayan.
Ilan sa mga kanyang legislative advocacy ay ang pagpasa ng Senate Bill No. 936 o National Values, Etiquette and Moral Uprightness Act na naglalayong isulong ang good governance sa pamamagitan ng pagtuturo ng moral uprightness sa pampubliko at pribadong sektor. Sa 18th Congress, nanguna si Villanueva sa pagpasa ng Republic Act No. 11476 o Good Manners and Right Conduct and Values Education Act na nag-aatas sa pagsama ng values education sa basic education curriculum.