Tinawag na panlilinlang sa taumbayan at fake news ang mga kumalat sa social media at pahayagan hinggil sa kasong graft and corruption na isinampa sa Office of the Ombudsman laban sa mga matataas na opisyales sa Bulacan kaugnay ng Bulacan Flood Control and River Restoration Project sa lalawigan.
Ito ang iginiit ni Bulacan Governor Daniel Fernando at ng kaniyang provincial legal officer sa ginanap na press briefing noong Friday, May 10 sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center kung saan sinabi ng gobernador na ang nilalaman ng 9-pahinang complaint affidavit ay: “mere allegations without basis in law or in fact’.
“These allegations coming out in messengers, social media, and some newspapers are false, twisted half-truths and certainly a misinformation and political demolition campaign”, wika ni Fernando.
Ang kaso ay isinampa ng isang Francisco Balagtas na nagpakilalang whistleblower na mula sa Provincial Capitol Building, City of Malolos noong Mayo 3, 2024 sa Ombudsman.
Basehan ng isinampang kaso ay ang umanoy ‘no public procurement process’ sa nasabing river dredging and restoration project.
Paliwanag dito ng gobernador, ang proyekto ay hindi sakop ng Republic Act 9184 kung saan nakasaad sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order No. 2020-07, Sec. 5 which states: No funding from the government shall be made for the conduct of dredging activities by the private sector, holders of dredging clearance shall provide the financing, technology, management and personnel necessary to implement dredging activities within the exclusive river dredging zone.
Tiniyak ni Fernando na sa kaniyang administrasyon ay nakakatiyak ang publiko ng kanilang striktong pagtugon sa lahat ng standard, derektiba ng naaayon sa batas sa pagpapatupad ng kanilang operations and development process.
“I swear on my honor, and in behalf of the Provincial Government, and the Bulakenyo citizens that I represent- these allegations are part of demolition job campaign of my political rivals. Let the people know the truth!,” aniya.
Iniutos din ni Fernando sa kaniyang mga legal officers na tiyaking mananagot ang sino mang nasa likod ng naturang demolisyon job.
Magugunita na noong April 29 nang idulog ni Fernando ang isang pangmatagalang solusyon sa suliranin ng dekadang problema ng pagbaha sa lalawigan kung saan isasagawa ang province-wide river restoration program na pangungunahan ng itinatag na Inter-Agency Committee na siya ang Chairperson kasama ang DENR Region 3 Regional Director bilang vice chairperson, committee members naman ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 3, DENR Environmental Management Bureau Region 3, at DENR Mines and Geosciences Bureau Region 3.
Katuwang dito ang TCSC corp, na siyang tanging pinagkalooban ng dredging clearance ng DPWH, Environmental Compliance Certificate mula sa DENR-Environmental Management Beauru para sa pagpapalalim ng bulacan offshore delta at lima pang prayoridad na ilog gaya ng Angat river, Pamarawan river, Malolos river, Hagonoy river at Guiguinto river.
Nabatid na aabot sa 282.02 milyong cubic meters na putik, burak at buhangin na may mga nakaipit na mga basurang hindi nabubulok ang target na maialis sa mga kailugan ng Angat, Pamarawan, Malolos-Kalero at sa kahabaan ng baybayin ng Bulacan o ang off-shore Delta Bulacan mula sa Obando hanggang sa Calumpit.
Nakapagsagawa na rito ang TCSC Corp. ng mga sub-surface soil investigation, geological exploration at geotechnical investigation sa mga kailugan sa Bulacan.
Nakapaglabas na ng inisyal na P200-milyon gastusin ang TCSC bukod pa ang ilalaan ditong P500-milyon na kung saan ay walang ilalabas o ggugugulin ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ng kahit magkanong halaga.
Nabatid na buhat sa TCSC Corp. ay magkakaroon pa ng kita ang Kapitolyo mula sa 10% na extraction fee at 5% na environmental monitoring fee. Iba pa rito ang 4% na national excise tax na ibabayad sa pamahalaang nasyonal.
“Ang mga expert engineers and geologists mula sa TCSC Corp. ay gagamit ng state of the art power dredging vessels na may kakayahang mag-dredge ng 1,500 hanggang 2,000 cubic meters per hour kumpara sa mga karaniwang draga na halos aabutin ng isang buwang operasyon para ma-dredge ang katumbas ng isang oras na volume na ito. It’s a game-changer,” anang gobernador.
Ayon kay Engr. Bernie Pacheco, Vice President for Mining and Dredging ng TCSC Corp., isasagawa nang may pangangalaga sa kapaligiran ang mga plano at disenyo ng programa sa pagpapanumbalik ng ilog tulad ng sistematiko, siyentipiko at ecologically oriented na pagpapalalim ng heavily silted na mga kailugan sa Bulacan para unti-unting bumalik sa normal ang daloy ng tubig mula sa mga tributaries nito.