LUNGSOD NG MALOLOS – Bilang bahagi ng patuloy na pangako ni Gob. Daniel R. Fernando sa kalusugan at kagalingan ng publiko, nagdaos ang Department of Health kasama ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Health Office – Public Health ng Bulacan HPV Vaccination Launching sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito kamakailan.
Pinaniniwalaang mas epektibo ang bakuna sa murang edad, mamamahagi ng HPV vaccine ang PHO-PH katuwang ang mga lokal na pamahalaan at Barangay Health Workers sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan na may edad na 9-14 taon upang mabawasan ang 90% na panganib ng cervical cancers, 95% na panganib sa lahat ng mga kanser na may kaugnayan sa HPV sa mga kalalakihan, at 90% na panganib ng genital warts.
Ang hakbang na ito ay tugon sa nakababahalang dami ng mga kaso ng kanser na may kaugnayan sa HPV, na kasalukuyang pangalawa sa pinaka karaniwang sakit na kanser pakatapos ng breast cancer.
Sa kanyang mensahe na ipinaabot ng kanyang Chief of Staff na si Abgd. Nikki Manuel S. Coronel, sinabi ni Fernando na patuloy siyang mananalangin para sa tagumpay ng kasalukuyang pagbabakuna na magbubukas ng daan sa marami pang interbensyon sa kalusugan para sa kaligtasan ng mga Bulakenyo.
“Tayo po sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay laging nakahanda sa pagtugon sa mga hamon ng kalusugan mula noon hanggang sa ngayon. Patuloy po ang ating pagsisikap sa pagtataguyod ng maganda at masiglang pamayanan para sa bawat Bulakenyo na siyang nagpapatatag sa atin bilang isang lalawigan,” ani Fernando.
Kasalukuyan nang ginaganap ang pamamahagi ng bakuna ng HPV sa mga bata sa mga pampublikong paaralan sa buong lalawigan.