Natatanging kababaihan ng Bulacan, paparangalan sa Gawad Medalyang Ginto

LUNGSOD NG MALOLOS- Humanda na para saksihan ang nakapupukaw at kahali-halinang pagbibigay karangalan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga natatanging kababaihan ng Bulacan.
 
Nakatakdang isagawa ang prestihiyosong Gawad Medalyang Ginto 2024 bukas, Marso 12, 2024, ika-2:00 ng hapon sa The Pavilion, Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod na ito.
 
May temang “Matatag na Pamilyang Bulakenyo, Katuwang sa Pagpapaunlad ng Lalawigan Ko”, pararangalan nina Gobernador Daniel R. Fernando, Bise Gobernador Alexis C. Castro, at ng Panlalawigang Komisyon para sa mga Kababaihan ng Bulacan (PKKB) sa pangunguna ni Dr. Eva Fajardo ang mga kahanga-hangang Bulakenya sa kanilang napakahalagang kontribusyon sa pag-unlad ng lalawigan at ng bansa.
 
 
Kikilalanin ang mga magwawagi sa dalawang kategorya: Medalyang Ginto – Natatanging Babae at Natatanging Samahang Pangkababaihan; at sa Sektoral – Matagumpay na Konsehong Pambayan/Panlunsod para sa Kababaihan (KPK), Matagumpay na Babaeng Mangangalakal, Matagumpay na Babaeng Makakalikasan, Huwarang Kabataang Babae sa Pamumuno, at Matagumpay na Babae sa Makabagong Pagnenegosyo.
 
Ang mga hihirangin bilang Natatanging Babae at Natatanging Samahang Pangkababaihan ay tatanggap ng statuette trophy, gintong medalya, sash, tarpaulin ng nagwagi, at perang insentibo na P30,000 at P40,000 ayon sa pagkakasunud-sunod.
 
Samantala, lahat ng magwawagi sa sektoral na kategorya ay bibigyan ng bust trophy, sash, tarpaulin ng nagwagi, at perang insentibo na P30,000 para sa Matagumpay na Konsehong Pambayan/Panlunsod para sa Kababaihan (KPK) at P15,000 bawat isa para sa Matagumpay na Babaeng Mangangalakal , Matagumpay na Babaeng Makakalikasan, Huwarang Kabataang Babae sa Pamumuno, at Matagumpay na Babae sa Makabagong Pagnenegosyo.
 
Ang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan at Gawad Medalyang Ginto sa Bulacan ay nagsimula noong 1996 sa pamamagitan ng Executive Order No. 96-07.