SINUYOD ng mga kawani ng Social Security System (SSS) Baliuag Branch ang ilan sa mga tinaguriang ‘delinquent employers’ sa lungsod ng Baliwag nitong Biyernes (Oktubre 6, 2023) kung saan kabilang ito sa halos P250-million amount of delinquency na target kolektahin ng ahensiya.
Ayon kay SSS Vice President for Luzon Central 2 Division Gloria Corazon Andrada, ang isinagawang operasyon ay bahagi ng kanilang Run After Contribution Evaders (RACE) program na mabigyan ng pagkakataon ang mga delinquent employers na mahabol sa mas magaang paraan ang kanilang mga hindi nabayarang obligasyon sa kanilang mga empleyado o manggagawa.
Sinabi ni Andrada na papatawan ang 3,556 delinquent employers mula sa mga bayan ng Plaridel, Pulilan, Baliwag City, Bustos, San Rafael, San Ildefonso at San Miguel ng 15-araw na palugit upang i-settle ang kanilang obligasyon sa nasabing ahensiya para sa 20,505 nitong manggagawa.
Nabatid na aabot sa P249,961,236-milyon pa ang target habulin ng SSS-Baliuag mula sa mga deliquent employers.
Ayon kay Chelin Lea Nabong, Acting Branch Head I ng SSS Baliwag, nasa P504-million naman ang kabuuang nakolekta ng kanilang sangay buhat sa contribution at delinquency collection mula Enero hanggang Agosto ng taong kasalukuyan.
Kabilang dito ang P478.54-milyon sa contribution collection habang P25.49-milyon naman sa delinquent collection.
Aniya, ang kampanya ng SSS ay ma-avail ng mga delinquent employers ang Contribution Penalty Condonation, Delinquency Management and Restructuring Program (CPCoDe MRP) na kung saan ay ang principal obligation na lamang ang babayaran at wala nang interest o penalty.
Samantala, ibinalita naman ng hepe ng Legal Department ng SSS Luzon Central 2 na si Atty. Maria Lourdes Barbado na binabalangkas na ng SSS kasama ng iba pang mga ahensiya ng pamahalaan ang isang mekanismo upang tiyaking walang makalulusot sa pagbabayad ng kontribusyon para sa mga manggagawa.