LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nabigyan ng Department of Labor and Employment o DOLE ng iba’t ibang uri ng kabuhayan ang may 5,343 na mga Bulakenyo, sa isang linggong pagdiriwang ng Araw ng Paggawa na ginanap sa iba’t ibang panig ng Bulacan.
Pinakamarami rito ang nasa 3,834 na benepisyaryo ng TUlong Pangkabuhayan sa Ating mga Displaced/disadvantage workers o TUPAD. Sila ang mga indibidwal na walang trabaho, nahinto sa trabaho at naghahanap pa ng papasukan na pinagkalooban nitong emergency employment program.
Ipinagkaloob na ang kanilang sahod na nagkakahalaga ng nasa P4,600 libo bawat isa mula sa ipinagtrabaho sa loob ng 11 araw. Nagkakahalaga ng P17.6 milyon ang inilaan dito ng DOLE.
Ipinaliwanag ni DOLE- Bulacan Provincial Director May Lynn Gozun na layunin ng TUPAD na maitawid ang pamilya ng mga benepisyaryo sa panahon na naghahanap pa lamang sila ng trabaho.
Bagama’t maikling panahon lamang ang ipagtatrabaho sa TUPAD, uubra aniyang magamit ang sasahurin bilang panimulang puhunan sa maliit na negosyo. Ang mga benepisyaryo ay pawang taga Donya Remedios Trinidad, lungsod ng Baliwag, Bulakan at lungsod ng Meycauayan.
Nasa P8 milyon naman ng mga livelihood grants ang ipinagkaloob ng DOLE sa ‘Araw ng Paggawa’ na pakikinabangan ng nasa 509 na mga benepisyaryo.
Pinakamalaki rito ang P2 milyon para sa Lingap at Serbisyong Pangkabuhayan para sa 34 Bigasan, 11 Bread and Pastry, 28 Sewing Kits at 18 na NegoKarts para sa mga bayan ng Donya Remedios Trinidad, San Miguel, San Ildefonso at San Rafael.
Tig-P1 milyon ang natanggap ng Lingap Kabuhayan Project para sa Bread and Pastry production ng Meycauayan, Livelihood Assistance para sa mga mahihirap na taga lungsod ng Baliwag, at Livelihood Stimulus Package para sa mga manggagawang pinaka naapektuhan ng pandemya sa lungsod ng San Jose Del Monte.
Iba pa rito ang tig- P1 milyon para sa mga livelihood packages sa mga bayan ng Bustos at Plaridel. Mayroon namang hiwalay na P1.5 milyon para sa livelihood packages sa mga bayan ng Santa Maria, Norzagaray at Angat.
Ang mga marginalized workers na humingi ng tulong sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ay pinagkalooban ng nasa P720 libong halaga ng livelihood grants.
Nakapaloob dito ang tig-iisang Bigasan, Puto vending, Paresan, Fruit vending, Sewing machine and kits, dalawang Bigasan na may Itulugan, tatlong Frozen goods, apat na NegoKarts at 18 na Sari-Sari Store Package na may kasamang Bigasan.
Tumanggap naman ng tig-P500 libong livelihood grants na Sari-Sari Store Package ang mga mahihirap na walang kabuhayan sa mga bayan ng Angat, Norzagaray at Santa Maria.
Sa Pandi, pinagkalooban ng P300 libong halaga ng Rice Retailing Package ang Pagkakaisang Mamamayan Tungo sa Kaayusan o PMTK. Sila ang mga dating rebelde na nagbalik loob sa pamahalaan.
Nasa P300 libo rin ang ibinigay sa Katuparan Village Homeowners Association o KVHOA na isang urban poor community sa bayan ng Norzagaray. Ito ay nagsilbing panimulang puhunan para sa pagtatayo ng isang malaking tindahan na sinamahan ng isang Bigasan.
Habang nasa P250 libo ang para sa Gintong Kusina Producers Cooperative para sa pagbili ng mga kasangkapan na ginagamit sa food processing gaya ng Automatic Integrated Packing Machine. Gayundin sa mga raw materials na kailangan sa Snack Productions gaya ng paggawa ng Crunchies, Curles and Foodblend products.
Kaugnay nito, ayon kay Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office o PYSPESO head Kenneth Ocampo-Lantin, nagkakaloob ang DOLE- Bulacan ng panibagong halagang P20 milyon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan.
Makikinabang dito ang nasa isang libo pang mga Bulakenyo na pagkakalooban ng nasa tig-P20 libong halaga ng mga Pangkabuhayan Packages. Ang sistema, kinakailangang sumailalim sa libreng pagsasanay ng PYSPESO ang isang benepisyaryo upang matiyak na magagamit sa tama ang mga panimulang paninda na ipagkakaloob.
Iba pa ito ipinahabol pang 40 na indibidwal na pagkakalooban ng Sari-Sari Store Package na may kabuuang halaga na P1 milyon.
Samantala, pinaalalahanan naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga benepisyaryo na huwag sayangin ang mga pagkakataon na ibinibigay ng pamahalaan upang makapaghanapbuhay. Ito aniya ang susi upang makapagsimulang tumayo sa sariling paa at palaguin ang piniling hanapbuhay.
SOURCE: PIA3-Bulacan