LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Tinututukan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Bulacan ang lalong pagpapalakas sa limang prayoridad na industriya sa lalawigan sa ilalim ng Industry Development Program.
Sa panayam ng Balitang P.I.A. sa Radyo Bandera 90.3 FM, inilahad ni Mary Grace Sta. Ana-Reyes, information officer ng DTI-Bulacan, na kabilang sa mga tinukoy na prayoridad ang industriya ng Kawayan, Kape, Processed Foods, Wearables at Pyrotechnics.
Layunin ng Industry Development Program ng ahensiya na mapalakas ang produksiyon ng mga industriya upang mas makapasok pa sa malalaking merkado, na kalaunan ay lilikha ng karagdagang mga trabaho.
Bahagi ito ng national economic recovery program ng administrasyong Duterte sa gitna ng pandemya. Bawat isa sa mga natukoy na industriya ay may partikular na pag-agapay ang DTI.
Una sa mga prayoridad ang muling pagpaparami ng taniman ng Kawayan na sinisimulan sa bayan ng Donya Remedios Trinidad (DRT) sa unang dalawang ektaryang lupa. Plano ring bumuo ng Bamboo Nursery sa lungsod ng San Jose Del Monte.
Ipinaliwanag ni Reyes na isang hamon sa Bulacan ang mismong pagkukuhanan ng Kawayan para maging hilaw na materyales sa paggawa ng mga handicrafts. Kaya’t muling sisimulan ang pagpaparami sa pagpapatubo at pagpapalaki ng Kawayan sa susunod na limang taon.
Sinimulan na rin ang pagpapasigla sa industriya ng Kape sa pamamagitan ng pagkakaloob ng P230 libong halaga ng mga kasangkapan sa ilalim ng Shared-Service Facility (SSF) ng DTI para sa ipinatayong Coffee Processing Center sa bayan ng Donya Remedios Trinidad.
Kumpleto mula sa patuyuan ng Kape, paghihiwalay ng mga laki o liit ng mga butil ng Kape at sumusukat sa laki ng bawat butil at ang tamang pagtitimbang. Target na matulungan nito ang nasa 300 mga magsasaka ng kape sa nasabing bulubunduking bayan.
Sesentro naman sa pagpaparami ng produksiyon ng Minasa ang magiging prayoridad sa Processed Food Industry. Ayon kay Reyes, target ng DTI na maparami sa 30% hanggang 50% ang bilang ng mga gumagawa ng Minasa.
Wala pa sa 20 mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang gumagawa ng Minasa kaya’t nananatiling hamon na masuplayan ang malaking merkado nito. Ang Minasa ay isang uri ng pinatigas at dinisenyuhan na biskwit na pangunahing ginagawa sa bayan ng Bustos.
Makakatuwang ng DTI-Bulacan sa pagpaparami ng produksiyon ng Minasa ang Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) at ang Bulacan State University-Bustos Campus. Bukod dito, layunin din na maiangat ang antas ng kalidad ng produktong Minasa partikular sa larangan ng packaging at shelf life.
Nakipagkasundo naman ang DTI sa mga E-Commerce platforms na gaya ng Lazada at Shopee upang maipasok ang mga produktong wearables na likha at disenyo ng mga Bulakenyong mananahi.
Ayon kay Reyes, nasa 19 na mga kasapi ng Bagong Barrio Multipurpose Cooperative ang on-board na sa nasabing mga E-Commerce platforms.
Mayroon ding nasa 3,190 na mga MSMEs na naipasok ng DTI sa Shopee at Lazada. Iba pa riyan ang nasa 19 na mga MSMEs na lumilikha ng mga produkto na sertipikadong One Town, One Product (OTOP), na naipasok naman sa otop.ph na isang One-stop Trade Online Portal ng DTI.
Panglima na isinali sa Industry Development Program ang industriya ng Pyrotechnics sa Bulacan. Tinutulungan ang mga may-ari ng gumagawa at nagtitinda ng pyrotechnics na makapasa sa pagkuha ng lisensiya at mga sertipikasyon upang makagawa at makapagtinda.
Tugon ito ng DTI upang mas matutukan ang sektor ng pyrotechnics kasunod nang paghihigpit sa paggamit ng mga mas mapapanganib na firecrackers sa bisa ng Executive Order 28 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong 2017.
SOURCE: Shane Velasco PIA3-Bulacan