Mas mataas ito sa 2,441 na mga MSMEs na naitala nitong Hulyo 2022. Ang 31 sa kanila ay itinampok ng Department of Trade and Industry (DTI)- Bulacan sa binuksang 24th Likha ng Central Luzon Trade Fair na ginaganap sa Megatrade Hall ng SM Megamall building B sa lungsod ng Mandaluyong.
Ayon kay Edna Dizon, provincial director ng DTI- Bulacan Provincial Office, nagiging mekanismo din aniya ang E-Commerce platforms gaya ng Lazada at Shoppee upang personal na sadyain ang mga MSMEs sa ginaganap na Likha ng Central Luzon Trade Fair.
Ito’y upang makapag bukas naman ng mga business deals mula sa mga malalaking buyers na bumibili ng bultuhan gaya ng mga supermarkets, department stores, hardware at maging ng mga supply chain firms. Inaasahan na magbibigay ito ng tuluy-tuloy na kita sa mga MSMEs bukod sa pagtitinda ng tingi o retail.
Bagama’t tatagal lamang hanggang Oktubre 30, 2022 ang Likha ng Central Luzon Trade Fair, 24 oras pa rin silang nakakapagtinda ng mga produktong ‘Tatak Bulakenyo’ ang mga MSMEs dahil sa lumalakas na E-Commerce platforms.
Patunay dito ang Joyful Garden Farm Organic Farmers Association ng San Ildefonso na kinilala ng DTI bilang Top Seller na MSMEs mula sa Bulacan mula taong 2019 hanggang 2021. Sila ay gumagawa ng mga produkto na gamit ang mga organikong tanim mula sa Palay, gulay at prutas.
Top Seller din noong taong 2021 ang Sta. Maria Dairy ng Catmon Multipurpose Cooperative mula sa bayan ng Santa Maria na gumagawa at nagsusuplay ng mga fresh milk, keso at yogurt.
Habang special citation naman ang ipinagkaloob ng DTI sa Jedidiah Food Industry, na kilalang gumagawa ng Turmeric Tea, dahil sa pagtataguyod ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapalago ng agrikultura habang nagbibigay ng kontribusyon sa pag-angat ng ekonomiya.
Kaugnay nito, sinabi ni DTI-Central Luzon Regional Director Leonila Baluyut na ang patuloy na pagdagdag ng bilang ng mga MSMEs na napapasok sa online selling o sa mga E-Commerce platforms, ay patunay na gumagana ang mga proyekto at programa ng ahensiya partikular na sa market digitalization.
Kaugnay nito, kabilang ito sa tatlong prayoridad ng DTI upang ibangon ang mga MSMEs mula sa pandemya at higit na madala sa mas malalaking merkado. Ito ang Impact I.D. o Innovation and Digitalization, Capacity Building at ang patuloy na pagpapatupad ng Ease of Doing Business and Efficient Government Service o Republic Act 11032.