CAMP Olivas, City of San Fernando, Pampanga — PATAY matapos manlaban sa mga pulis ang isa sa mga suspek na pumaslang sa dalawang pulis ng Mabalacat Police habang tatlo naman ang naaresto sa loob ng 24-oras na follow operation matapos maganap ang pamamaril noong Sabado ng madaling-araw.
Base sa inisyal na report, napatay ang suspek na kalaunan ay nakilalang si Kiel Patrick Chua makaraang masabat sa isang checkpoint at manhunt pursuit operation ng Mabalacat PNP dakong alas-3:30 ngayong Linggo ng madaling-araw (Disyembre 4, 2022) sa Purok Masayahin in Brgy. Duquit Mabalacat, Pampanga.
Narekober sa crime scene ang isang .45 caliber at isang black motorcycle na walang plaka.
Nauna rito, inanunsiyo ni PRO3 Regional Director PBGen Cesar Pasiwen Sabado ng hapon na nadakip na ang tatlo sa limang mga suspek sa nasabing krimen at kinilalang sina Jun Jun Baluyut, 44, residente ng Xevera Subdivision, Brgy, Tabun; Aries Bagsic, 40, may-asawa, electrician, residente ng Brgy. Lakandula at Leslie Placiente, 30, dalaga, online seller at residente ng Brgy. Dau, pawang ng Mabalacat.
Ang tatlo ay naaresto sa Brgy. Dau, Mabalacat City at narekober kay Baluyut ang isang orange Honda Click motorcycle na mayroon pang dugo na hinihinalang siyang ginamit ng mga salarin.
Ang napatay na si Chua ay isa sa ilan pang mga suspek na itinuro ni Baluyut sa kaniyang inilahad na extra judicial confession na mga kasama nito at siyang tinutugis na rin ng kapulisan sina Kenneth Flores at isang alyas “PUSA”.
Nabatid pa na sa bubong ng bahay ni Flores nakuha ang service firearm ng isa sa mga biktima.
“We will have no respite until all the perpetrators are caught and even if two of our members were killed in line with our diligent efforts to stop the proliferation of illegal drugs, still we are committed in our waging war against this menace. We will continue to be relentless in our campaign at all costs,” wika ni Pasiwen