SUBIC BAY FREEPORT ZONE — May 204 katutubo mula sa Bataan at Zambales ang nakibahagi sa isinagawang workshop ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP.
Ang “Healing Reconciliation and Operationalizing the 11 Building Blocks in the Ancestral Domain in support of Executive Order 70” ay idinaos sa Subic Bay Freeport Zone na dinaluhan din ng mga opisyal mula sa militar, kapulisan, mga ahensya ng pambansang pamahalaan, at mga lokal na pamahalaan.
Ayon kay NCIP Chairperson Allen Capuyan, hindi mapapalago ang isang ancestral domain kung hindi pag-uusapan ang mga problemang seguridad kaya kailangan magtulungan ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan upang gumawa ng balangkas.
Dagdag pa niya, kailangan na ma-operationalize ang 11 building blocks upang ang mga ancestral domain ay maging resilient o kayang harapin ang mga hamon na kinakaharap, responsive o kayang tugunan ang pagkikipagtulungan sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan, at relevant o mayroong importanteng pananagutan sa pambansang usapin.
Sinabi naman ni NCIP OIC-Regional Director Roman Antonio na isa mga pangarap nila para sa mga katutubo ang mailapit ang lahat ng ahensya ng gobyerno upang mas mapagaan ang relasyon at magkaroon ng madaling pag-uusap.
Binigyang diin naman ni NCIP Ethnographic Commissioner for Region 3 and Rest of Luzon Rhodex Valenciano ang kahalagahan ng pagkakaisa.
Aniya, bilang katutubo ay marami ang kalaban, pagsubok at problema kaya kung walang pagkakaisa ay hindi kakayanin ang lahat.
SOURCE: Reia G. Pabelonia (PIA3)