2,000 magsasaka sa Malolos makikinabang sa PALLGU program

SINISIMULAN na ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa Bulacan ang pamamahagi ng P3.00 karagdagang bayad para sa ani ng palay kada kilo para sa mahigit 2,000 magsasaka sa ilalim ng Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units (PALLGU).
 
2,000 magsasaka sa Malolos makikinabang sa PALLGU program
Malolos City Mayor Christian Natividad
Sinabi ni Mayor Christian Natividad na ang PALLGU ay isang programa na kung saan makikinabang ang mga local farmers, ito ay karagdagang kita na handog ng LGU.
 
Nabatid na ito ay programang itinatag National Food Authority (NFA) na nagbibigay-daan sa mga magsasaka na madagdagan ang kanilang kita.
 
Sa ilalim ng programa, ang mga LGU ay papasok sa isang kasunduan sa marketing sa NFA kung saan ang una ay magbibigay ng premium na halaga, na idadagdag sa umiiral na presyo ng pagbili ng palay ng gobyerno na kasalukuyang nasa P19 kada kilo.
 
Direktang makikinabang sa PALLGU ay ang mga indibidwal na magsasaka o mga Samahang Magsasaka.
 
Sinabi ni Natividad na sinimulan na nila ang P3.00 na pagbabayad mula noong nakaraang linggo kung saan mahigit 2,000 lokal na magsasaka ang tiyak na makukuha ng nasabing benepisyo.
 
“Malaking bagay po ito para sa mga magsasaka, imagine from P19.00 ng NFA ay dadagdagan namin ng P3.00 pa kaya magiging P22.00 na ang halaga ng palay nila kada kilo,” ayon kay Natividad.
 
Pinaalalahanan ng alkalde ang mga magsasaka ng Malolos na mayroon silang mga tala at datos sa dami ng ani ng bawat magsasaka sa kanilang lungsod kaya hindi nila maaaring dayain ang pamahalaang lungsod.