2 sugatang pulis sa engkuwentro, pinarangalan

Ginawaran ni PRO3 regional director BGen Cesar Pasiwen (kanan) ng “Medalya ng Sugatang Magiting” si Pat Aaron James Ibasco na sinaksihan ni Bulacan PPO director Col Relly Arnedo matapos bisitahin ang mga nasugatang pulis sa Bulacan Medical Center in Malolos City. Kaparehong karangalan din ang iginawad at cash assistance kay PCpl Richard Neri na kapwa nasugatan sa isang engkuwentro noong Lunes ng madalinga-araw, Nobyembre 28, 2022 sa San Miguel, Bulacan. CONTRIBUTED PHOTO
CAMP General Alejo S Santos, City of Malolos, Bulacan — Personal na binisita nina Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director PBGen Cesar Pasiwen at Bulacan Police Provincial Office (PPO) Provincial Director Col Relly Arnedo sa ospital nitong Martes ang dalawang pulis na naka-confine matapos masugatan sa naganap na madugong engkuwentro noong nakaraang Lunes.
 
Binisita ng dalawang matataas na opisyal sina PCpl Richard Neri, at Pat Aaron James Ibasco ng 3rd Maneuver Platoon, Bulacan’s 2nd Police Mobile Force Company na kapwa naka-confine sa Bulacan Medical Center sa Lungsod ng Malolos, Bulacan. Sina Neri at Ibasco ay binigyan din ng parangal ni Pasiwen dahil sa kanilang ipinamalas na katapangan kung saan kapwa nasugatan at muntik nang magbuwis ng buhay sa tawag ng tungkulin.
 
Si Neri ay nagtamo ng tama ng bala sa kaniyang kaliwang panga na tumagos sa batok habang si Ibasco naman ay tinamaan ng bala sa kaliwang beywang nang makipagpalitan ng putok sa mga notorious member ng Salvador Gang sa Barangay Maligaya, San Miguel, Bulacan bandang alas-2:30 ng madaling-araw noong Nobyembre 28, 2022. “Their valor in the line of duty was rewarded with financial assistance and the “Medalya ng Sugatang Magiting,” ayon kay Arnedo.
 
Pinapurihan din ni Pasiwen ang buong operating troops dahil sa matagumpay na operasyon kung saan pinaniniwalaang nabuwag na ang nasabing criminal group.
 
Tiniyak din ni Pasiwen na magpapatuloy ang kanilang kampanya laban sa ano mang uri ng krimen sa Gitnang Luzon partikular na laban sa illegal drugs at mga loose firearms .
 
Nabatid sa nasabing operasyon ay dalawang remnant members “Salvador Crime Group” na responsable sa serye ng robbery holdup at illegal drug operations sa Central Luzon ang napatay na nakilalang sina Rommel Suarez at Elcid Pasecual, kapwa ng Nueva Ecija. 
 
Apat pang mga kasamahan nito ang naaresto na sina Fernando Perez at Reynier Dela Cruz, kapwa residente ng Maligaya, San Miguel, Bulacan; Shierlyn Anne Pangilinan ng Gapan; at Rowena Daquiz ng Cabiao, Nueva Ecija.