DALAWANG suspek na nagpakilalang mga pulis at nang-holdap sa hinuli nitong traffic violator ang naaresto ng Malolos City Police nitong Martes Sa Barangay Sto. Nino sa Lungsod ng Malolos.
Sa report ni LtCol. Ferdinand Germino, Malolos City Police chief kay Bulacan acting provincial director Col. Charlie Cabradilla, kinilala ang mga inarestong suspek na sina Regie Chico Garcia, 32, may-asawa, residente ng Barangay Tikay at Angelo Roque Asistin, 27, shoe repairman at naninirahan sa Expansion Blk 8, Lot 1, Northville 8, Brgy. Bangkal, pawang sa Malolos City, Bulacan.
Batay sa panimulang imbestigasyon, pinara ng mga suspek ang motorsiklo ng mga biktima na sina Mark John Contridas Butal, 23, binata, salesman at Ronel Rabina Artiaga, 24, binata, kapwa residente ng Purok 5, Brgy. Mabolo, Malolos City, Bulacan bandang alas-8:50 ng gabi sa Barangay Sto. Nino.
Nagpakilala munang mga pulis ang mga suspek at hiningi ang kanilang lisensiya at sinabihan ang mga biktima na sumunod sa himpilan ng pulsiya.
Pagdating sa madalim na bahagi ng kalsada ay huminto ang mga ito at dito nagdeklara ng holdap at sinamsam ang mga pera, cellphone at iba pang kagamitan ng mga biktima habang nakatutok ang matutulis na bagay at saka mabilis na tumakas.
Agad nagreport sa pinakamalapit na police detachment ang mga biktima at nadakip ang mga suspek sa Barangay San Juan.
Narekober sa pag-iingat ng mga ito ang mga nakulimbat na pera at cellphone mula sa mga biktima. Nakuha rin sa kanilang posesyon ang mga deadly weapon na gamit sa krimen.
Kasalukuyan nakapiit sa Malolos CPS ang mga suspek at inihanda na ang mga kaukulang kasong isasampa sa mga ito.