DALAWANG lalaki na kapwa security aide ng isang incumbent politician sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa Bulacan ang pinagbabaril umano ng mga armadong kalalakihan ilang saglit matapos mag-deliver ng litson sa isang handaan sa Blk 2, Benjamin 2, Brgy. Graceville, CIty of San Jose Del Monte, Bulacan Lunes ng hapon, Disyembre 13.
Kinilala ni Bulacan Police director PCol. Manuel Lukban Jr. ang mga biktima na sina Allan Rebuijo, 46, residente ng B12 L16 Sec 23, Phase 3, Pabahay 2000, Barangay Muzon at Rodolfo Capulong, 47, residente naman ng B4, L3, Phase 1, Francisco Homes, Barangay Guijo kapawa ng CSJDM, Bulacan.
Pansamantalang hindi pinangalanan ng pulisya ang mga suspek na sinasabing kasamahan ng biktima at security aide din ng pulitiko na sinampahan na ng kasong “murder”.
Base sa panimulang imbestigasyon, naganap ang pamamaril bandang alas-5:30 ng hapon habang ang mga biktima ay sakay ng Toyota Innova (SJN 168).
Nabatid na galing umano ang mga biktima sa Benjamin Village 2, CSJDM makaraang magdeliver ng litson sa isang birthday occasion nang harangin ng mga suspek na lulan ng Toyota Pick-up..
Ayon kay PCol. Lukban, ang mga suspek ay armado ng maiigsing baril nat pinaulanan ng bala ang mga biktima.
Nagtamo ng mga tama ng bala ang mga biktima sa ibat-ibang parte ng katawan na siya nilang ikinasawi habang ang mga suspek ay mabilis na nagsitakas sa direksyon ng Barangay Tungkong Mangga.
Agad namang nagdispatsa ng mga pulis ang SJDM-PNP para tugisin ang mga suspek na posible anilang dumiretso sa Barangay Malaria na sakop ng Caloocan City.
Kasalukuyan namang nirerebisa ang mga close circuit television (CCTV) camera sa pag-asang nahagip ang insidente at ang pagtakas ng mga suspek.
Base sa report, ang mga biktima ay tauhan umano ng isang nakaupong pulitiko na sinasabing nagkaroon ng sulutan sa transaksyon sa pag-aahente ng lupa na nauwi sa samaan ng loob at paghihiganti.
Nilinaw naman ni Lukban na personal na alitan ang motibo at walang kinalaman sa pulitika bagamat ang mga biktima at suspek ay pawang security aide ng hindi binanggit na pulitiko.