LUNGSOD NG MALOLOS — May isang libong residente ng bayan ng San Rafael sa Bulacan ang tumanggap ng tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS).
Ito ay pinangasiwaan ng DSWD at ng tanggapan ni Senate Committee on Health and Demography Chairperson Bong Go
Ayon kay Municipal Social Welfare and Development Officer Maria Victoria Ramos, sumailalim muna ang mga benepisaryo sa pagtatasa ng kanilang mga social worker.
Ang mga ito ay kinabibilangan ng mga solo parents, persons with disabilities, senior citizens na walang pension, at drayber ng mga pampublikong sasakyan.
Tumanggap ang bawat isa ng P3,000.
Nakatanggap din ang mga benepisaryo ng grocery packs, vitamins, face mask, bisikleta at celpon para sa online na pag-aaral ng mga estudyante mula sa tanggapan ni Go.
Ang AICS ay nagsisilbing safety net na mekanismo upang suportahan ang pag-ahon ng isang indibidwal mula sa hindi inaasahang krisis gaya ng sunog, pagkakasakit o pagkamatay ng isang miyembro ng pamilya, kalamidad at iba pang sitwasyon.