15 Bulakenyo, hired on the spot sa job fair ng PPESO

LUNGSOD NG MALOLOS — Patuloy na pinagtitibay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang pangako nito na pagbibigay ng mga oportunidad sa trabaho sa lalawigan matapos na matanggap agad ang 15 Bulakenyo sa isinagawang job fair para sa local and overseas employment na inorganisa ng Provincial Public Employment Service Office (PPESO) sa Robinsons Place Malolos dito kamakailan.

Labing-apat na magkakaibang ahensiya ang nakiisa sa job fair na nag-alok ng kabuuang 959 na bakanteng posisyon para sa mga kwalipikadong aplikante. Samantala, ipinakita ng datos mula sa PPESO na 638 Bulakenyo ang nakilahok sa nasabing aktibidad sa paghahanap ng oportunidad sa lokal at abroad.

Ibinahagi ni Luisito Pascual, Jr. mula sa bayan ng Paombong na natanggap agad bilang service crew member sa sangay ng Jollibee Robinsons Malolos, ang kaniyang pasasalamat sa oportunidad na ipinagkaloob sa kaniya at ang hirap ng paghahanap ng disenteng trabaho sa kasalukuyan.

“Sa sobrang hirap po ngayon mag-apply ng trabaho, buti po ‘yung ating mga [LGU] ay nag-o-organize ng mga job fair. [Kaya] maraming salamat po sa mga ganitong programa. Sana po ay tuluy-tuloy [ito] dahil sa ganitong mga job fair po ay natutulungan ang ating mga kababayan na magkatrabaho,” aniya.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Melody Dela Cruz, isang Maloleña na natanggap din sa parehong posisyon at kumpanya gaya ni Pascual, sa PPESO sa pagbibigay ng oportunidad sa mga katulad niyang nais makatulong sa kanilang pamilya.

“Thank you po sa PPESO po dahil sa job fair na ito hindi lang po ako ang matutulungan pati na rin po ang iba’t ibang tao na nangangailangan po ng trabaho,” dagdag niya.

Bukod dito, umabot sa 48 aplikante—24 lalaki at 24 babae—ang itinuturing na near hires mula sa 392 kwalipikadong kalahok na nagmula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.

Sinabi naman ni Gobernador Daniel R. Fernando, sa pamamagitan ng kaniyang kinatawang si James Santos, na ikinararangal niyang malaman na karamihan sa mga aplikante sa job fair ay kabilang sa sektor ng kabataan, at binanggit na tama ang naging desisyon ng mga ito na dumalo sa naturang aktibidad at tahakin ang landas tungo sa kanilang mga pangarap.

“Marami pong mga kabataan ngayon na hindi hindi iniisip ang kinabukasan na darating para sa kanila at kanilang mga pamilya, pero kayo po na narito ay namumukod-tangi [na] tumitindig at humahanap ng [pagkakataon para sa] inyong pangarap, hindi lang para sa inyo [kundi] para din sa inyong mga mahal sa buhay,” aniya.