14,407 residente inilikas, 205 barangay sa Bulacan lubog sa baha

Nasa 14,407 residente sa buong lalawigan ng Bulacan mula sa mahigit 200 barangay ang napilitang lumikas at nananatili sa mga evacuation center matapos lumubog sa mataas na tubig baha ang kanilang mga tahanan dulot ng walang humpay na pag-ulan dala ng  bagyong “Egay” na sinabayan din ng high tide.
 
Pinaka-nasalantang lugar ay ang 26 na barangay sa bayan ng Calumpit na umabot hanggang 5 talampakan ang taas ng tubig.
 
Base sa Situational Report mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), 205 barangay mula sa 24 na munisipalidad at lungsod ang naapektuhan ng baha dahil sa bagyong “Egay” na kung saan ay napilitang magpakawala ng tubig ang Bustos Dam at Ipo Dam.
 
Kabilang sa mga inilikas ay ang mga nasa low lying areas na umabot sa 3,727 pamilya o 14, 407 katao na ngayon ay nasa 163 mga evacuation centers ng kani-kanilang mga munisipalidad.
 
Personal na binisita at inalam ni Acting Governor Alex castro ang kalagayan ng mga evacuees sa Bocaue, Bulacan na nasalanta ng tubig baha dulot ng bagyong Egay.
 
Ayon kay PDRRMO head Manuel Lukban Jr., nagsisimula na rin maghatid ng relief goods ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan at rescue operation sa mga apektadong Bulakenyo base na rin sa derektiba ni acting governor Alexis Castro.
 
Mayroon ding mga naiulat na mga national at provincial roads ang hindi madaanan ng mga sasakyan at maraming mga motorista ang na-stranded.
 
Araw-araw ay binibisita ni Castro ang PDRRMO’s Communication, Command and Control Center para personal na makita ang water level of Angat, Bustos at Ipo Dam at ang flood situation sa buong probinsiya.
 
Ayon kay Castro, sinimulan na nila ang pamamahagi ng relief goods o food packs sa pamamahala ng  Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO)  sa lahat ng evacuation center at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga evacuees.
 
Inatasan na rin ng acting governor ang pag-asikaso ng mga relief goods at iba pang kakailanganin na tulong serbisyo sa mga nasalanta ng baha para sa mga susunod na araw ng distribution.
 
Naghatid ng relief goods si Mayor Rico Roque para sa 1,500 pamilya na naapektuhan ng baha sa bayan ng Pandi, Bulacan. Nasa larawan din si Municipal Adminstrator Arman Concepcion.
 
Samanatala, sa bayan ng Pandi, Bulacan ay nagsimula na rin ang distribution ng relief goods na personal na dinala ni Mayor Rico Roque sa mga apektadong residente ng naturang baha.
 
Sa pangunguna ni Roque ay isinagawa nitong Biyernes ang house-to-house distribution ng food packs kasabay ng pagbisita sa mga lugar na naapektuhan ng baha para mabatid ang kalagayan at sitwasyon ng mga residente rito.
 
Nagpakain din ang grupo ni Mayor Roque ng lugaw sa mga lugar ng nasalanta ng baha kabilang na ang mga barangay ng Malibong Bata, Bunsuran, Masuso, Siling Bata, Mapulang Lupa at Cacarong Bata.
 
Nasa 1,500 pamilya rito ang nakatanggap ng relief goods.