NASA kabuuang 14 na mga Super Health Centers na aaabot sa P161 milyon halaga o P11.5 milyon bawat isa ang itatayo sa lalawigan ng Bulacan.
Ito ang inanunsiyo ni Senador Christopher ‘Bong’ Go matapos inspeksyunin ang konstruksiyon ng unang Super Health Center sa Bulacan na nasa barangay Bunsuran sa Pandi, Bulacan noong Lunes, Disyembre 12, 2022.
Aniya, pito ang pinondohan sa ilalim ng National Budget ng 2022 at ang mga ito ay matatagpuan sa mga bayan ng Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Lungsod ng Meycauayan, City of San Jose Del Monte, San Miguel at sa Pandi.
Habang ang mga itatayong Super Health Center sa mga bayan ng San Ildefonso, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Marilao, Obando at Angat ay inilaan sa 2023 National Budget.
“Ang Super Health Center is a medium type polyclinic that will be ran by the local government unit,” ani Go.
Ayon sa senador, pangunahing layunin nito na higit na mas mailapit sa mga mamamayan karaniwang hindi nakakatamo ng mga serbisyong pangkalusugan dahil malayo sa mga pagamutan.
Bukod sa nakagisnan na isang health check-up facility, uubra na ritong manganak, magpabunot ng ngipin at magpa-dialysis na may kumpletong kagamitan at mga health professionals ang mag-aasikaso sa bawat pasyente.
Dinisenyo rin ang pasilidad na flexible sa iba’t ibang uri ng gamutan sa hinaharap na mga panahon.
Kaugnay nito, nagpahayag naman si Pandi Mayor Enrico Roque na handa ang pamahalaang bayan na pangasiwaan ang itinatayong Super Health Center dito kapag nabuksan na.
“Maraming salamat po Senador Bong sa inyong patuloy na pag-agapay, pagsuporta at pagbaba ng mga programa sa bayan ng Pandi,” pasasalamat ni Roque sa kaniyang talumpati.
Ayon kay Roque, sisikapin nilang mapangalagaan ang pasilidad at matiyak na pakikinabangan ng maraming pang henerasyon ng mga taga-Pandi at kalapit na mga bayan.