SAN MIGUEL, Bulacan – Nagdiwang ng Ika-125 Taong Anibersaryo ng Philippine Army ang mga tropa ng First Scout Ranger Regiment sa pagtanggap ng iba’t ibang anniversary package, sa isang seremonya na ginanap sa Kampo Tecson sa San Miguel, Bulacan kamakailan.
Sa virtual message ni Major General Romeo Brawner Jr., commanding general ng Philippine Army, sinabi niyang bahagi pa rin ito ng patuloy na pagkalinga sa kalagayang pantao at pagpupugay sa katapangan ng mga kawal, para sa walang tigil na serbisyo sa pagbibigay ng seguridad sa bansa.
Una na rito ang mga karagdagang 1,200 units na mga bagong Carbine 5.56 mm M400 Sigsauer rifels, 253 na Lensatic Compass; 3,030 na mga Personal Identification Tag; 3,101 na Philippine Army Pattern Battle Dress Uniform; 3,023 na Athletic Uniform, 153 na Combat Boots, 23 units ng Kawasaki Bajai 150 Motorcycle at mga makabagong communication equipment.
Binigyang diin pa ni Major General Browner na malaking tulong ito upang ganap na makapag-S.E.R.V.E ang mga kasundaluhan. Nakapaloob aniya rito ang titik ‘S’, una para Soldier upang mapangalagaan ang kanilang pisikal at mental na kalusugan.
Ang titik ‘E’ ay para sa Enhance Skills and Units upang mapaigting ang interoperability ng Philippine Army sa iba pang sangay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) gaya ng Philippine Air Force at Philippine Navy.
Nangangahulugan namang Resources ang titik ‘R’ kung saan direktang ibinababa ang pondo sa lahat ng mga kampo sa bansa upang matiyak na magagamit hanggang sa pinaka karaniwang sundalo.
Layunin nito na lalong maging matagumpay o victorious na nasa titik ‘V’ sa paglaban sa insurehensiya, terorismo at iba pang banta sa pambansang seguridad.
Higit sa lahat, muling tiniyak ng Philippine Army ang isang mapayapa, tapat at malinis na Halalan sa Mayo 2022 na nasa titik ‘E’ na nangangahulugan na Ensure.
Samantala, naniniwala si Brigadier General Freddie T. Dela Cruz, na bukod sa mga biyayang ito, magbubunsod ang pagdiriwang ng anibersaryo sa lalong pagpapaigting ng kapatiran ng mga kasundaluhan at isang bagong pagkakataon na maitanghal ang mga tagumpay ng Philippine Army.