LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nasa kabuuang 10, 169 Bulakenyo ang direktang nakatamo ng mga biyaya sa trabaho at hanapbuhay sa ginanap na Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Jobs and Business Fair sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos, kasabay ng pagdiriwang ng Ika-124 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas nitong Linggo, Hunyo 12, 2022.
Kapwa binuksan nina Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III at Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez ang nasabing fair na nag-alok ng 12,048 na lokal na trabaho at 1,027 na trabaho sa ibang bansa.
May inisyal na 23 mga indibidwal ang naging hired on the spot (H.O.T.S.) mula sa mga trabahong binuksan ng nasa 101 na mga employers. Ayon kay DOLE Secretary Bello, pagdadaos ng mga ganitong uri ng malaking jobs and business fairs, ay bahagi ng ipinapatupad na National Employment Recovery Strategy (NERS) Program 2021-2022.
Layunin nito na maibalik sa trabaho ang mga nahinto at mabigyan ng bagong trabaho ang mga nawalan bunsod ng pandemya ng COVID-19.
Bukod sa mga trabahong binuksan ng mga nasa pribadong sektor, nadagdagan ng 7,000 ang mga Bulakenyong benepisyaryo ng programang Tulong Pangkabuhayan sa Ating mga Displaced/Disadvantaged Workers o TUPAD. Naglaan ng tig-isang libong slots ang DOLE sa bawat distrito ng Bulacan.
Kasama ni Bulacan Governor Daniel Fernando si 3rd District Congresswoman Lorna Silverio sa pamamahagi ng nasabing financial assistance na silang naging tulay para mapagkalooban ang mga benepisyaryo.
Pinasahod naman ang may 1,286 na mga naunang benepisyaryo ng TUPAD kung saan bawat isa ay tumanggap ng tig-P4,200 bilang kabayaran sa 10 araw na pagtatrabaho.
Ang TUPAD ay isang emergency employment program ng DOLE gaya ng road and drainage maintenance, barangay beautification at iba pang gaya nito.
Dahil natatapos ang pagtatrabaho sa TUPAD sa loob lamang ng 10 araw, hinikayat ni DOLE Secretary Bello ang mga benepisyaryo ng TUPAD na gamitin ang sinahod upang makapagsimula ng sariling pagkakakitaan upang lumago at maging pangmatagalang kabuhayan.
Bukod sa mga programang patrabaho, nabiyayaan ang 563 na mga Bulakenyo ng iba’t ibang pangkabuhayan packages sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program o DILP. Iba pa rito ang 100 na mga Negokart para sa mga kapamilya ng dating mga Child Laborers. Mayroon namang 597 na tumanggap ng tig-iisang bisikleta upang magsilbi ring gamit sa paghahanapbuhay gaya ng paglalako o food delivery.
Kaugnay nito, ayon kay DTI Secretary Lopez, nasa 600 na mga Bulakenyo ang naisailalim sa iba’t ibang uri ng business training sa pamamagitan ng Negosyo Center na dinala dito sa Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Jobs and Business Fair.
Hinikayat din niya ang mga Bulakenyong micro, small and medium enterprises (MSMEs) na samantalahin ang panibagong P7 bilyong binuksan pautang ng Small Business Corporation ng ahensiya sa ilalim ng Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises o RISE UP.
Nakapaloob dito ang RISE UP Multipurpose Loan at RISE UP Turismo na pwedeng makapagpautang mula halagang P10 libo hanggang P5 milyon. Pwede itong bayaran sa loob ng 12 buwan na may hiwalay na 12 buwan pang grace period o palugit. Kalakip ng pagbabayad ng principal ay ang 12% na interes.
Samantala, ipinakilala naman ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA)-Central Luzon Regional Director Balmyrson Valdez ang E-TRAK o ang Electronic-Training-Trabaho-Kabuhayan App.
Isa itong digital platform kung saan aagapayan ang mga naghahanap ng trabaho at maging ng tulong pangkabuhayan kung saan-saang ahensiya angkop na lumapit.
SOURCE: Shane Velasco (PIA-Bulacan)