LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan – Nangibabaw sa pag-alaala sa Ika-134 Taong Anibersaryo ng Pagsulat ni Dr. Jose P. Rizal sa mga Kadalagahan ng Malolos, ang pagbibigay diin sa pagpapahalaga sa sariling Wika bilang isang pagkakakilanlan at tunay na makakapagpaabot ng nararamdaman.
Ayon kay Bong Enriquez, pangulo ng Women of Malolos Foundation Inc. o WOMFI, ang sulat na ipinadala ni Dr. Rizal sa nasabing mga kadalagahan ay kanyang isinulat sa wikang Tagalog noong Pebrero 22, 1889 habang nasa London sa United Kingdom.
Ito aniya ang bukod-tanging liham ni Dr. Rizal na naisulat sa wikang Tagalog sa payo na rin ng kanyang matalik na kaibigan na isa ring bayaning si Abogado Marcelo H. Del Pilar.
Base sa mga dokumentong natipon ng WOMFI na kinukumpirma ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP, si Abogado Del Pilar ang naghikayat kay Dr. Rizal na sulatan ang mga kadalagahan upang lalong bigyan ng lakas ng loob at inspirasyon.
Pinayuhan din niya ito na gumamit ng wikang Tagalog upang lalong tumagos sa puso ng mga babasang Bulakenyong taga-Malolos ang nasabing sulat.
Para kay Enriquez, higit na mas mahalaga ang paggamit ng wikang Tagalog sa mga liham o dokumentong naglalaman ng interes ng bumabasa upang lalong maramdaman at matanggap ang mensahe ng sumusulat.
Pangunahing nilalaman ng sulat ni Dr. Rizal ang kanyang pagpupugay sa mga Kadalagahan ng Malolos dahil sa kanilang katapangan at paninindigan na igiit ang kanilang pagnanais na makapagtayo ng paaralan upang makatamo ng edukasyon.
Ginawa ito ng mga Kadalagahan ng Malolos sa panahon na hindi isang karapatan ang pagkakatamo ng edukasyon at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapahayag ng saloobin.
Tinutukoy dito ang paghahain ng petisyon ng 21 Kadalagahan ng Malolos kay Spanish Governor General Valeriano Weyler para makapag-aral. Personal nila itong iniabot sa opisyal na Kastila nang bumibisita ito sa kumbento ng Katedral ng Malolos sa Bulacan noong Disyembre 12, 1888.
Pinagbigyan ng Pamahalaang Kolonyal ng Espanya sa Pilipinas ang nasabing petisyon kung kaya’t matagumpay na naitayo ang isang paaralan. Matatagpuan ito sa ngayo’y tinatawag na Kamistisuhan District na nasa barangay Sto. Nino sa lungsod ng Malolos.
Ang pagkakatayo ng paaralang ito at pagkakatamo ng edukasyon ng mga kadalagahan ay nagresulta sa pagkakatuto partikular sa larangan ng kulinarya.
Dito nabuo ang iba’t ibang potaheng Bulakenyo gaya ng Tinapang Bangus, pagsasaing ng Kanin sa pamamagitan ng paglulubog sa Bigas sa kumukulong tubig sa pamamagitan ng dahon ng Saging na kilala bilang Talulo o Balisuso, Ensaymada, Inipit, Longganisa, Imbutido, minatamis na timpla sa Manok at Baboy, Pinaso, Gurgurya at mga kakanin.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Eliseo Dela Cruz, pinuno ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO, na kung malalaman at maiintindihan ng mga kabataan ang kasaysayan tungkol sa mga ipinaglaban ng mga kadalagahan ng Malolos, mapagtatanto ng mga ito na higit na magpahalaga sa edukasyon. (SFV/PIA-3/BULACAN)