LUNGSOD NG MALOLOS — May 150 sako ng mga lumulutang na basura ang nakolekta ng mga tauhan ng Bulacan Environment and Natural Resources Office o BENRO sa ginanap na cleaning operation sa mga daluyan ng tubig sa barangay Tawiran sa Obando.
Sa pangunguna ng ng BENRO katuwang ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Obando, nilinis ng mga ito ang mga basura na nagmula sa ibang lugar at tinangay sa ilalim ng tulay sakop ng nasabing barangay
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, patuloy ang pamahalaan panlalawigan katuwang ang iba pang ahensiya ng gobyerno para sa kalikasan na panatilhin ang kalinisan ng kailugan sakop ng probinsya.
Dagdag pa ng punong lalawigan na bawat Bulakenyo ay may responsibilidad sa pangangalaga sa inang kalikasan.
Napakalaki anya ng gampanin at tungkulin ng bawat indibiduwal sa pagpapanatili ng malinis na kapaligiran.
Mahalaga rin anya na sa sarili at tahanan magmumula ang disiplina sa maayos na pagtatapon ng basura.
Ang clean-up drive ay bahagi ng pagtupad sa 10-point agenda ni Fernando o ang “People’s Agenda 10” na kabilang ang Mabiyayang Kalikasan at Malinis na Kapaligiran.
Tugon din ang waterway clean-up sa ipinalabas ng mandamus ng Korte Suprema sa 13 ahensiya ng pamahalaan na linisin, i-rehabilitate at pagpreserba sa Manila Bay, maibalik at mapanatili ang SB level na kalidad ng tubig na pwedeng paliguan, skin diving o iba pang uri ng water recreation.