Water tank sumambulat, 1 patay, 7 sugatan sa Bulacan

Ang close van na tinangay ng rumagasang tubig mula sa lamang ng sumabog na water tank na ikinamatay ni Paul Ryan Mangio, tank operator at ikinasugat ng pito pang katao sa Barangay Bagumbayan, Bulakan, Bulacan nitong Sabado, Enero 9, 2021. (Photo from FB account)
CAMP GEN ALEJO S SANTOS, City of Malolos, Bulacan — Isang lalaking water pump operator ang nasawi habang pito pa ang sugatan nang biglang sumabog ang isang water tank facility sa  Barangay Bagumbayan, Bulakan, Bulacan nitong Sabado ng umaga. 
 
Sa report na tinanggap ni PCol Rommel Ochave, Acting Provincial Director ng Bulacan PNP, kinilala ang nasawi na si Paul Ryan Mangio, pump operator at residente ng Barangay Bambang ng nasabing bayan.
 
Sugatan din ang mga biktima na sina  Eduardo Carpio, tubero;  Ricardo Sulit, pump operator, pawang mga residente ng Barangay Bambang; Milagros Mila Tionloc at Jennifer Esteban, kapwa client account representatives;  Joselito Esteban,  checker;  Jomar Esteban,  driver; at isang nakilala sa alyas na “Regine”, isang helper, pawang mga residente ng Barangay Bagumbayan.
 
Base sa inisyal na report, ang nasabing “vaulted tank” ay aksidenteng sumabog bandang alas- 6:45 ng umaga habang ang mga nabanggit na biktima ay nasa harap ng Bulakan Water Company Warehouse. 
 
Nabatid na sa hindi pa mabatid nakadahilanan ay sumambulat ang naturang water tank kung saan ang mga biktima ay tinangay ng rumaragasang tubig mula sa tangke.
 
Maging ang isang tricycle at isang close van ay tinangay din ng malakas na agos ng tubig papunta sa ilog kasama ang biktimang si Mangio na nadaganan umano ng inanod na sasakyan na siya nitong ikinasawi makaraang malunod.
 
Ang ibang mga biktima ay agad na naisugod sa pagamutan na nagtamo naman ng mga galos at mga sugat sa katawan dulot ng mga matatalim na piraso ng bakal mula sa nawasak na tangke at mga bato galing sa bumagsak na pader.
 
Inaalam pa ng kapulisan ang tunay na dahilan ng pagsabog na hinihinalang nag-over heat o hindi nakayanan ang air pressure ng tangke.