WATER CANNON KAHALINTULAD DIN NG BALANG PAMUKSA NG BUHAY

Napag-alaman ng Katropa na galit na galit si Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr., matapos ang water cannon attack ng barkong Tsina, sa kanyang kinalululanang barkong Unaizah Mae 1.
 
Dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na magdadala ng mga suplay at regalong pamasko sa mga mangingisdang Pilipino sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, kamakailan.
 
Ika nga ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang Ayungin Shoal ay nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone, anumang dayuhang pag-angkin ng soberanya dito ay walang basehan at ganap na salungat sa internasyonal na batas.
 
Ang Bajo de Masinloc ay soberanong teritoryo ng Pilipinas at mahalagang bahagi ng ating kapuluan . Walang sinuman maliban sa Pilipinas ang may lehitimong karapatan o legal na batayan para gumana saanman sa West Philippine Sea.”
 
Tsk! Tsk! Tsk! Ang pagbomba ng water cannon ng barkong Tsina sa barkong pagaari ng Pilipinas, na nasa Exclusive Economic Zone pa rin ng bansang Pinoy, ay kahalintulad na rin ng pagsalakay at pagbomba ng bala ng kanyon. Isang agresibong pagkilos, gumagamit ng puwersang militar, na isang agarang banta sa kapayapaan. Isang aksyon ng mga pulahan na may intensyon na pukawin ang isang digmaan
 
Ang kaibahan nga lamang ay tubig at hindi balang sumasabog, ang sumambulat at naranasan ng ating mga mangingisda at ilang sundalo, Ano kaya kung ang Armed Forces Chief ng US ang nasabuyan ng water cannon ng Tsina, ng mga oras na iyun? Malaking gulo na kaya ang susunod? Mabuti at alingawngaw lang ang ginawa ni Gen. Brawner Jr., sa pagsasabing siya ay galit na galit, at hindi niya iniutos na gumanti at gumamit rin ng dahas.
 
Dahil hindi rin natin kayang makipagsabayan ng puwersa laban sa bansang Tsina dahil sa dami ng mapamuksang sandatang mayroon ito. Kaya tama lamang na maghain ng diplomatikong protesta laban sa paggamit ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) laban sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas sa mga resupply mission sa Bajo de Masinloc at Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
 
Gayundin ang pagpapauwi sa Chinese Ambassador sa Pilipinas ay nararapat lamang, dahil sa kahinaan ng leadership nitong sawayin ang kanilang hukbo na gumawa ng nakagagalit na hakbang laban sa mga mamamayan ng bansang Pilipinas.
 
Kapag patuloy ang ganitong panliligalig at mapaghamong pamamaraan ng Tsina, mararanasan ng bansang ito, sa hinaharap na sila ay lalayuan ng madaming bansa at ang pagbabagong kaunlaran nito sa pangangalakal ay bubulusok pababa sa darating na panahon. Hanggang sa muli.