Dito sa Pilipinas ay mistulang showbiz ang dating ng pulitika dahil parang artista kung ituring ng mga tagasuporta ng bawat kandidato ang kani-kanilang mga manok na pulitiko. Para bang ‘Noranians’ at ‘Vilmanians’ sa mga kababaihan at ‘Da King’ at ‘Erap’ naman sa mga kalalakihan. Ganyan ang palagay sa kanila ng mga boss nilang kandidato.
Hindi ba’t sa presidential race ay hindi magkamayaw ang batikusan ng bawat kampo ng mga kandidato sa pagka pangulo. Laging laman sa Facebook ang word war ng mga tagasuporta nina Bongbong Marcos at Leni Robredo. Kapag may nam-bash sa kampo ni Leni, agad namang magkokontra bash ang kampo ni BBM kaya walang lubay ang batikusan ng mga supporter ng magkabilang partido.
Pero hindi iyan ang aking ipupunto sa kolum na ito kungdi ang mga pulitiko na dating mahigpit na magkalaban sa loob ng mahabang panahon pero magugulat ka dahil sa panahon ng halalan ay magkasama na sa pagtakbo ang mga kandidato na dating magkatunggali.
Hindi maiwasang magbigay ng opinyon ang mga botante at sasabihing: “Hindi ba’t dating mahigpit na magkaribal sa pulitika ang dalawang iyan pero ngayon ay magkasama nang nangangampanya. Dito natin mapatutunayan na walang pirmihang magkatunggali sa pulitika. Kung magkaaway sila noon, ngayon ay tandem na sila.
Mahiwaga talaga ang pulitika sa ating bayan. Napagkakasundo ang dating magkaaway at kapag sila ay magkakasamang nangangampanya ay walang mababakas sa kanilang mga mukha na sila ay dating nagpapatutsadahan sa mga pagtitipong pulitikal pero buhat nang magkasundo ay parang walang nangyaring awayan sa bawat kampo ng magkabilang panig.
Wika nga, wala raw personalan sa larangan ng pulitika. Halimbawa ang dating mahigpit na magkaribal sa pulitika ay nagkakasama sa isang panahon ng eleksiyon at pagkatapos niyon ay magkalaban na namang muli pagkaraan ng kanilang mga termino sa public office.
Talagang sa larangan ng pulitika, ang personal na interes lang ng bawat pulitiko ang hindi nagbabago. Puwedeng magkakampi sila ngayon pero naroon pa rin ang pansariling interes sa bawat isa. Noong araw, may dalawang partido pulitikal lang ang nakakapamayani, ang Liberal Party at Nacionalista Party. Kung ilaw ay pula, hindi ka puwedeng makipamangka kay asul kaya kapag lumipat ka sa kabilang pangkat, panindigan mo na dahil mahirap ang mamangka ng sabay sa magkasangang ilog.