‘Walang Pasok’ sa lahat ng antas ng eskuwela, trabaho sa Bulacan

Mananatiling walang pasok sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan gayundin ang trabaho sa lahat ng pampublikong tanggapan ng pamahalaan sa buong lalawigan ng Bulacan bukas Martes (July 22, 2025).
 
Ito ang kinumpirma ni Bulacan Governor Daniel R. Fernando alinsunod sa rekomendasyon ng Office of the Civil Defense (OCD) at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ((PDRRMO) na suspendihin ang trabaho at klase ng gobyerno sa buong lalawigan dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng “habagat”.
 
Gov. Daniel R. Fernando
 
Sakop ng suspension ang lahat ng lungsod at munisipalidad sa nasabing lalawigan kung saan maraming lugar na ang lubog sa baha.
 
Ayon kay Fernando, ang mga ahensyang may mahahalagang tungkulin tulad ng paghahatid ng mga pangunahing serbisyo at kalusugan at pagtugon sa mga sakuna at kalamidad ay patuloy na magbibigay ng mga kinakailangang serbisyo.
 
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), mula Lunes ng hapon hanggang Martes ng hapon, Hulyo 22, ang habagat ay inaasahang magdadala ng matinding buhos ng ulan (100 hanggang 200 millimeters) sa Metro Manila, at sa mga lalawigan ng Zambales, Bataan, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, at Rizal.
 
Ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan (50 hanggang 100 millimeters) ay maaaring makaapekto naman sa mga lalawigan ng Pangasinan, Tarlac, Laguna, Quezon, at Occidental Mindoro.